Home OPINION NAGLALAWAY NA MANDARAMBONG

NAGLALAWAY NA MANDARAMBONG

189
0

TINAMAAN ng malakas na lindol ang buong rehiyon ng Visayas kabilang ang ilang kalapit na lalawigan nitong nakalipas na Martes ng gabi.

Nakalulungkot dahil maraming nasawi at malubhang nasugatan lalo sa lalawigan ng Cebu kung saan naitala ang pinakamalakas na pagyanig na umabot sa Intensity 6.7 nung una subalit itinaas pa ito sa 6.9 na sinundan pa ng maraming ‘aftershock’.

Marami ang nalungkot at nagdalamhati patungkol sa resulta ng kalamidad na ito. Subalit nakatitiyak ang taumbayan na umaabot sa tainga ang ngiti ng mga mandarambong sa pangyayaring ito dahil pihadong bubuhos ang pondo.

Bakit ika ninyo? Ito ay dahil mayroon mga nasirang mga imprastraktura na dapat ipagawa ng gobyerno sa lalong madaling panahon upang tulungan ang mga nasalantang kababayan natin na muling makabalik sa kanilang normal na buhay.

Ganitong katwiran ang gagamitin ng mga mandarambong upang ipatupad ang tinatawag na ‘Emergency Mode of Procurement’ na kung saan wala nang ‘Competitive Bidding’ batay sa Republic Act No. 12009.

Kapag gawa na ang resolusyon ng Bids and Awards Committee tapos gawa na rin ang Program of Works at mayroon na kahit kapirasong pondo ay ibibigay na lang ang proyekto sa napupusuan na kontratista.

Malamang sa hindi ay noong gabi pa lamang ng sakuna ay mayroon nang gumalaw na opisyal ng gobyerno upang gawin ang resolusyon, detalye ng proyekto at kung saan huhugutin ang pondo para maibigay agad sa kontratista.

Sa mga munisipyo, siyudad o lalawigan na tinamaan ng kalamidad tulad ng Bagyong Opong ay kailangan magdeklara ng ‘State of Calamity’ upang magamit ng mga ito ang pondo sa kanilang badyet na nakalaan sa kalamidad.

Agad-agad din ang paggastos ng ‘Calamity Funds’! Emergency Mode rin kaya walang Competitive Bidding sa pagbili ng mga suplay tulad ng pagkain at tubig para sa kababayan natin na tinamaan ng kalamidad. Si Mayor o Gobernador lang ang pipili kung kaninong ‘Supplier’ niya ibibigay.

Sana lang, taumbayan… si Mayor, Gobernador at iba pang opisyal ng gobyerno tulad dyan sa Department of Public Works and Highways na magsasagawa ng Emergency Mode of Procurement ay hindi mandarambong. Dahil kung mandarambong ang mga ito ay tiyak na naglalaway na ang mga kontratistang mandarambong.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here