MANILA, Philippines – Iginiit ng mga abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na mahina na umano ang kanyang pisikal at kognitibong kalagayan, sa kanilang apela laban sa desisyon ng International Criminal Court (ICC) na panatilihin ang kanyang pre-trial detention.
Sa isinumiteng brief, sinabi ng depensa na nagkamali ang ICC Pre-Trial Chamber I sa hindi nito pagsasaalang-alang sa isang joint medical report na tumalakay sa umano’y cognitive impairments ni Duterte.
Ayon sa ulat, hindi raw siya kayang magplano o mag-sequence ng pang-araw-araw na gawain—lalo na ang pag-organisa at pagsasagawa ng isang “complex getaway” habang mahigpit na binabantayan.
Binanggit din ng depensa na ipinakita ng medical report ang kakulangan ni Duterte sa executive functioning, sustained planning, at mabilis na pagdedesisyon, na umano’y ginagawang imposible ang pagtakas o paghadlang sa mga pagdinig.
Dagdag pa, sinabi nilang hindi rin siya may kakayahang magpakita ng tuloy-tuloy na atensyon at organisasyon upang makapaminsala sa proseso ng korte o makagawa ng kahalintulad na krimen.
Ayon pa sa filing, ang biglaang pagbasura sa medical report ay sumisira sa pagiging patas ng mga pagdinig at nagkakait sa depensa ng malinaw at may batayang pagdedesisyon.
Binigyang-diin din nila na hindi dapat ideklarang inadmissible ang ebidensiya batay lamang sa kung sino ang nagsumite nito, at tinawag na “legally unsound” ang lohika ng korte. RNT/MND