Home NATIONWIDE Environment friendly campaign materials isinusulong ng Comelec

Environment friendly campaign materials isinusulong ng Comelec

MANILA, Philippines – Bumuo ang Commission on Elections (Comelec) en banc ng committee on environmentally sustainable elections habang itinutulak ng poll body ang paggamit ng environmental-friendly campaign materials.

“In-approve ang recommendation ng inyong lingkod para sa pagke-create ng isang kumite na tinatawag na Environmentally Sustainable Elections,” sabi ni Comelec chairman George Garcia sa isang panayam.

Magsisilbing commissioner-in-charge sa komite si Commissioner Ernesto Ferdinand Maceda.

Ayon pa kay Garcia, inatasan din si Maceda sa pagbuo ng mismong guidelines ng mga policy direction patungkol sa kung paano maisasakatuparan ng Comelec ang tinatawag na sustainable election, hindi lamang sa 2025 kundi sa mga susunod na mga halalan.

Sa unang bahagi ng buwang ito, pinalutang ni Garcia ang pangangailangan na iayon ang mga regulasyon sa kampanya, tulad ng mga biodegradable na poster, sa itinakda ng United Nations at ng Department of Environment and Natural Resources.

Maliban dito, dapat din aniyang mabawasan ang noise pollution sa panahon ng kampanya at eleksyon.

Nauna na ring sinabi ni Garcia na ang mga poster na hindi susunod sa Comelec requirements ay ituturing na mga ilegal na poster at ang naturang paglabag ay maaaring maging batayan para sa diskwalipikasyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden