Home NATIONWIDE Epekto ng korapsyon sa ekonomiya pansamantala lang – BSP

Epekto ng korapsyon sa ekonomiya pansamantala lang – BSP

549
0

MANILA, Philippines – Tiniyak ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na pansamantala lamang ang epekto ng kontrobersiya sa flood control projects sa ekonomiya, na inaasahang babawi sa loob ng dalawa hanggang tatlong quarter.

Sa panayam nitong Biyernes, Oktubre 10 sinabi ni BSP Governor Eli Remolona Jr. na posibleng magsimula ang pagbangon sa 2026, kasabay ng muling pagbilis ng paggastos ng pamahalaan na pansamantalang naapektuhan ng iskandalo sa korapsyon.

“The recovery is likely to begin in 2026, as government spending rebounds,” ani Remolona, sabay pahayag na magiging susi rito ang pag-angat ng business sentiment na ngayon ay apektado ng imbestigasyon sa umano’y katiwalian sa mga proyektong pang-imprastraktura.

Ayon sa BSP, layon ng pamahalaan na mapanatili ang infrastructure spending sa 5 hanggang 6 porsiyento ng gross domestic product (GDP) bilang suporta sa target na 5.5 hanggang 6.5 porsiyentong economic growth ngayong taon.

“It’s a reduction in government spending. So, that does have some effect on growth. I still think the bigger effect is the one from business sentiment,” dagdag ni Remolona.

Aniya, pansamantala lamang ang pagbawas sa paggastos ng gobyerno, at inaasahang babalik ito sa normal sa mga susunod na buwan.

“Depending on how the corruption scandal is resolved, we could see a recovery in business sentiment,” aniya pa.

Noong Huwebes, nagpasya ang Monetary Board na ibaba ng 0.25 percentage point ang benchmark interest rate sa 4.75 porsiyento upang pasiglahin muli ang kumpiyansa ng mga negosyante.

Bagaman ikinagulat ng marami ang desisyon, sinabi ni Remolona na “overwhelming” ang boto pabor sa rate cut.

Ayon sa mga analista, kabilang sina Michael Wan ng MUFG at Citi Research, maaari pang magpatupad ang BSP ng karagdagang mga rate cuts sa Disyembre at unang bahagi ng 2026, na posibleng magpababa ng benchmark rate hanggang 4.25 porsiyento pagsapit ng ikalawang quarter ng susunod na taon.

“To us, the most important takeaway was a clear dovish tone from BSP Governor Remolona,” ani Wan, na sinang-ayunan din ng mga eksperto ng Citi Research na nagsabing malinaw ang “dovish stance” ng BSP sa gitna ng mas mababang growth outlook. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here