MANILA, Philippines – NAGBABALA ang Malakanyang na sa kabila ng nananatiling matatag ang Philippine peso, ang pagbagsak nito lampas sa P60 kada US dollar ay maaaring magdulot ng malaking epekto sa ekonomiya, kabilang na ang paglaki ng utang ng gobyerno.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, mahigpit na binabantayan ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. ang currency sa gitna ng kamakailang global uncertainties at profit-taking sa local market.
“Kapag tumaas po kasi ng 60 pesos, bumaba iyong value ng peso, definitely mag-i-increase iyong debt natin because iyong palitan po ay tataas,” sabi ni Castro.
Ang piso ay nagsara sa 59.26 noong Miyerkoles, lumakas mula P59.45 noong Martes.
Sa kabilang dako, iniugnay ng mga analyst ang paglakas sa humihinang greenback at sa malakas na demand para sa Philippine government US dollar-denominated global bonds na nagkakahalaga ng USD2.75 billion.
Sinabi pa ni Castro na handang makialam ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kung kinakailangan, subalit binigyang-diin na ang layunin ng administrasyon ay ang mapigilan ang piso sa paglampas sa P60 level.
“Ayaw po sana, ayaw po ng Pangulo na umabot pa ito sa 60 pesos na palitan,” ang sinabi ni Castro, sabay sabay sabing makabubuti para sa piso at maaaring magkaroon ng malaking epekto sa ekonomiya. Kris Jose