MANILA, Philippines – Isa sa nag-sponsor si Senador Christopher “Bong” Go noong Martes sa isang resolusyon ng Senado na nagpaparangal kina dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada at dating Senador Luisa “Loi” Ejercito para sa kanilang makabuluhang kontribusyon sa serbisyo publiko at pambansang kaunlaran.
Binigyang-pugay ni Go ang matagal nang adbokasiya ni Estrada para sa mahihirap at ginunita ang popularidad maging ang malalim na koneksyon sa masa ni Erap.
“Known as ‘Erap para sa Mahirap,’ naalala ko pa po noong 1998, nung nagkampanya sa Davao, dinudumog po ito si President Erap at talagang makamasa. At dun ko napatunayan na malapit po siya sa masa,” ani Go.
Binigyang-diin ni Go ang naging legasiya ni Estrada na iangat ang mahihirap sa pamamagitan ng social welfare programs at ang passion ng dating Pangulo na paglilingkod sa mga mahihirap.
“Tulad ko po na ang bisyo ay magserbisyo, si dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada ay isang tunay na makamasa—isang lider na nag-alay ng kanyang buhay sa paglilingkod sa mahihirap at inaapi,” sabi ni Go.
Naalala rin ng senador ang isang personal na engkuwentro nila ni Estrada noong 2019 nang mainit siya nitong tanggapin sa Manila City Hall.
Higit sa pulitika, si Estrada ay isa ring pangunahing tauhan sa pelikulang Pilipino.
Binigyang-diin ni Go ang papel ng dating pangulo sa pagtatatag ng Metro Manila Film Festival (MMFF), isang institusyon na patuloy na sumusuporta sa lokal na industriya ng pelikula.
“Siya rin ang founder ng Metro Manila Film Festival (MMFF), isang institusyong patuloy na nagpapalakas sa industriya ng pelikulang Pilipino. Bilang kasapi ng MMFF Executive Committee, ipinagmamalaki kong ipagpatuloy ang adhikain ni Estrada sa pagsusulong ng de-kalidad at makabuluhang ng pelikulang Pilipino,” dagdag ni Go.
Bilang anim na taong miyembro ng MMFF Executive Committee, kinilala rin ni Go ang mga kontribusyon ng mga anak ni Estrada na sina Senator Jinggoy Estrada at Senator JV Ejercito.
“Malapit din po ako sa mga artista, tulad ng aking idol, Senator Robin Padilla, sila Ipe.
Dati po, napapanood ko lang sila sa pelikula at di ko akalain ngayon na dalawang senador na ang kanyang anak—sina Senator Jinggoy Estrada at Senator JV Ejercito—na kasama ko rito. Kasi kung walang Erap, walang Jinggoy at JV. ‘Yon ang totoo,” ani Go.
Bukod sa pagpaparangal kay Estrada, katuwang din si Go sa resolusyon na pinupuri si dating Senador Loi Ejercito sa kanyang hindi matatawarang kontribusyon sa bansa. RNT