MANILA, Philippines — Hinimok ng Power for People Coalition (P4P) ang Energy Regulatory Commission (ERC) na magpatupad pa ng mas matitinding hakbang upang maprotektahan ang mga consumer sa lumalalang energy crisis sa bansa.
Ayon kay P4P convenor Gerry Arances, hindi sapat ang pagpapatigil lamang sa disconnection ng kuryente at pagpapatupad ng staggered payment schemes para maibsan ang pasanin ng mga konsyumer.
“But the ERC cannot stop at that. It needs to address the high costs passed onto consumers in the largest part of our electricity bills,” ani Arances sa ipinadalang pahayag sa Inquirer nitong Huwebes.
Noong nakaraang linggo, inatasan ng ERC ang lahat ng power distribution utilities sa Luzon, Visayas at Mindanao na suspendihin ang service disconnections para sa mga hindi nakabayad ng bills mula Mayo hanggang Hulyo 2026.
Inatasan din ang mga utility company na magpatupad ng staggered o deferred payment schemes upang mabawasan ang financial burden ng mga consumer.
Batay sa advisory ng ERC, maaaring ipagpaliban ng mga kabahayang kumokonsumo ng hanggang 200 kilowatt-hours kada buwan ang pagbabayad at hulugan ito nang hindi bababa sa tatlong buwan.
Nanawagan din ang P4P na isama sa no-disconnection policy ang billing periods ng Marso at Abril dahil umano sa matinding pagtaas ng presyo ng kuryente kasunod ng pag-atake ng U.S. at Israel sa Iran.
Ayon sa grupo, bagama’t nag-anunsyo ang Meralco ng bahagyang bawas na P0.0151 kada kWh sa singil nitong Mayo, katumbas lamang ito ng humigit-kumulang P3 tipid para sa mga household na gumagamit ng 200 kWh kada buwan.
Malayo umano ito sa P107 pagtaas ng singil noong Abril.
Iginiit ng koalisyon na patuloy na nagpapataas sa presyo ng kuryente ang mataas na generation charges.
Hiniling din ng P4P ang pagsuspinde sa pass-through generation charges, pagpapalawig ng no-disconnection policy, at pagpapataw ng parusa sa mga coal at gas plants na sinisisi sa rotational brownouts sa Luzon at Visayas nitong mga nakaraang araw.
“Our top priority should be consumers’ welfare,” ani Arances.
Dagdag pa niya, dapat umanong ihinto ang “automatic pass-through charges” mula sa pagtaas ng presyo ng coal at gas na ipinapasa sa consumers sa kanilang electric bills.
Samantala, sinabi ni Partido Lakas ng Masa president Leody de Guzman na dapat ituring na public service ang kuryente at hindi negosyo para kumita lamang.
Aniya, hindi makatarungan na nanganganib pang maputulan ng serbisyo ang mga consumer sa gitna ng tumataas na singil sa kuryente.
Nagpahayag din ng pagkabahala ang P4P sa mga nagdaang power outage kasabay ng matinding init sa bansa.
Noong Mayo 12 at 13, nagdeklara ng red at yellow alerts ang National Grid Corporation of the Philippines sa Luzon at Visayas grids dahil sa forced outages sa mga coal at gas-fired power plants.
Ayon sa P4P, malaking bahagi ng unavailable generating capacity at derated plants ay mula sa gas-powered facilities.
“The ERC must penalize these generation companies,” ani Arances, partikular na tinukoy ang mga gas plant sa Batangas na pag-aari ng Meralco, San Miguel at AboitizPower.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagpapabilis sa paglipat sa malinis, abot-kaya at maaasahang pinagkukunan ng enerhiya para sa kapakanan ng publiko. RNT/JGC