MANILA, Philippines – Hindi lalahok sa botohan sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte si Caloocan Representative Edgar Erice.
Ani Erice, naniniwala siya na ang impeachment complaint ay hindi nagpo-promote ng accountability ngunit labanan lamang sa dalawang mataas na dinastiya ng bansa, ang mga Duterte at Marcos.
“Ito ay simpleng agawan ng kapangyarihan ng dalawang political dynasties. Dynasty ng Duterte at dynasty ng Marcos at ayokong maging kabahagi nung mga alipores ng bawat dinastiya sa kanilang laro,” sinabi ni Erice.
Sa kabila nito, nilinaw naman ni Erice na hindi siya naniniwalang malaya si Duterte sa mga alegasyon laban sa kanya.
“Hindi ko sinasabing walang pagkukulang o pagkakamali si VP Sara, pero sa tingin ko, ayoko maging parte nitong moro-moro na ito na labanan ng mga dinastiya at hindi naman talaga ito sa pagsusulong ng accountability, hindi naman ito sa pagsusulong ng good governance. Ito ay para sa labanan ng mga higante sa pulitika. Pinaghihiwalay ang mga tao,” ayon sa mambabatas.
Noong Miyerkules, nakitaan ng House justice panel ng probable cause para i-impeach si Duterte sa dalawang impeachment complaints na inihain laban sa kanya.
Ang mga impeachment complaints ay nag-akusa sa kanya ng betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, at iba pa. RNT/JGC