Home NATIONWIDE Erice kay PBBM: P100-B insertions, ipaliwanag; DBM, DOF, NEDA, dapat ipatawag

Erice kay PBBM: P100-B insertions, ipaliwanag; DBM, DOF, NEDA, dapat ipatawag

279
0

MANILA, Philippines – Nagbabala si Caloocan 2nd District Rep. Edgar R. Erice na ang Pilipinas ay nasa gitna ng isang malalim na krisis politikal, ekonomiko, at moral, na higit pang pinapatindi ng lumalalang korapsyon at hidwaang pampulitika.

“Ang landas tungo sa solusyon ay hindi kaguluhan, hindi kudeta, at hindi ‘BBM Resign.’

Hindi po solusyon ang pagpapatalsik sa Pangulo. Mas lalo itong magdudulot ng pagkakawatak-watak sa bayan.”

Ayon kay Erice, ang panawagang “BBM Resign” ay hindi makakatulong at maaaring magresulta sa mas mabigat na political instability.

Aniya, kung mapalitan ang Pangulo sa paraang hindi naaayon sa Saligang Batas, mas lalo lamang lalalim ang awayang pampulitika at magpapatuloy ang cycle ng paghihigantihan at palitan ng kapangyarihan.

“Kapag nag-resign si Pangulong Bongbong Marcos, papalit si VP Sara, at lalo tayong magkakawatak-watak. Wala ring tunay na pagbabago kung ang sistema ay bulok pa rin,” ani pa ng kongresista.

Nananawagan si Erice na kinakailangan dumaan sa konstitusyonal na proseso at ang nagkasala sa gitna ng mga akusasyon ng korapsyon laban sa Pangulo, mga mataas na opisyal, at iba pang sangay ng gobyerno ay mapanagot.

“Kung may nagkasala, dumaan tayo sa tamang proseso. Impeachment, hindi anarkiya.”

Aniya, kung may ebidensyang lumabag ang Pangulo o sinumang opisyal sa Konstitusyon, naroon ang impeachment, ang Independent Commission on Infrastructure (ICI), at iba pang legal na mekanismong dapat galangin.

Iginiit din ni Erice sa makabuluhang konstitusyonal na reporma na hindi sapat ang pagpapalit ng mga tao; ang dapat palitan ay ang sistemang nagpapalago ng katiwalian.

Kaya nanawagan siya ng agarang pagpasa ng mga sumusunod: 1. Anti-Political Dynasty Law na layong wakasan ang konsentrasyon ng kapangyarihan sa iilang pamilya at itama ang dekada-dekadang pag-abuso; 2. Anti-Turncoatism Law na tutuldok sa balimbingan at gawing makabuluhan ang political parties; 3. Campaign Finance Reform na layong gawing patas ang laban sa halalan at mabawasan ang impluwensiya ng yaman sa politika; at 4. Pagpapalakas ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) nang sa gayon ay magkaroon ng tunay na kakayahang imbestigahan, kasuhan, at supilin ang korapsyon sa mga proyekto ng gobyerno, maging sino man ang mabulgar.

“Kung hindi natin puputulin ang ugat ng korapsyon—ang political dynasties, walang katapusan ang kahirapan at katiwalian sa bansa.”

Panawagan niya kina Pangulong Bongbong Marcos, Pangalawang Pangulong Sara Duterte, mga senador, at mga kasamahan sa Kamara na unahin ang bayan bago ang sarili.

“Mahiya naman tayo sa sambayanang Pilipino. Nakinabang tayo sa bayan – panahon na para tayo ang magbigay ng reporma para sa bayan.”

Hinimok din niya si Pangulong Marcos na isama sa legislative agenda ang mga repormang nabanggit at i-certify as urgent.

Hinikayat din ni Erice ang Pangulo na ipaliwanag nang malinaw sa publiko ang mga alegasyon ni dating Congressman Zaldy Co tungkol sa ₱100 bilyong insertions sa 2025 General Appropriations Act at iba pang nakaraang taon.

“Ito ay isyu ng kakayahan at pananagutan. Hindi maaaring balewalain. Kaya nananawagan ako na imbitahan at tanungin agad ang mga opisyal ng Department of Budget and Management, Department of Finance, at NEDA Secretary upang lumabas ang katotohanan,” giit ni Erice.

“Ang ganitong hakbang ay mahalaga upang mapanatili ang tiwala ng mamamayan, maiwasan ang maling panawagan o kaguluhan, at tiyakin na ang anumang pananagutan ay dumadaan sa tamang proseso.

Hindi sapat ang pagpapakulong ng iilan o pagpapalit ng pamunuan. Ang tunay na solusyon ay reporma sa sistema, at pagpapatupad ng mga batas na magwawakas sa political dynasties at katiwalian.

Sa pamamagitan ng Konstitusyon, maaari pa nating iligtas ang bayan at bigyan ang mamamayan ng tunay na pagbabago,” pagtatapos ni Erice. (Merly Duero)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here