MANILA, Philippines – Ipaaaresto ni Senador Erwin Tulfo ang sinumang senador na magdaraos ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
Sa panayam, sinabi ni Tulfo na siya ang lehitimong chairman ng Senate Blue Ribbon Committee at ang may tanging kapangyarihan na magpatawag ng legislative inquiry sa ilalim ng panel.
Sinabi ito ni Tulfo matapos na magdaos ang bloc na pinamumunuan ni Senador Alan Peter Cayetano ng Blue Ribbon hearing noong Huwebes na pinangunahan nina Senador Pia Cayetano at Senador Rodante Marcoleta.
Dumalo sa naturang pagdinig ang 18 ex-Marines na umano’y nagtrabaho kay dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, at sinabing naghatid ng mga maleta ng cash sa mga politiko.
“Kung sila, uulitin po nilang mag-hearing; subukan po nila. Lalo na po yung Blue Ribbon, subukan. Subukan po ninyo, mag-hearing po kayo ng Blue Ribbon, kasi po hindi na po ako papayag na maghi-hearing-hearingan kayo diyan at I will have you arrested. I promise,” ani Tulfo.
“Kahit na senador ka, kahit na sinasabi mong matanda ka na, ilang taon ka na sa Senado, try me. Magpa-hearing ka ng Blue Ribbon ulit,” dagdag pa niya.
“I don’t care kung dati kang Senate President, dati kang Speaker of the House…talagang papahuli kita. Kung hindi papahuli, kung ayaw ng OSAA, bibitbitin kita, kukwelyuhan kita, palalayasin kita diyan sa floor na ‘yan.”
“Because I am the legitimate Blue Ribbon Chairman at yung ginagawa niyong kalokohan.”
Wala pang tugon ang kampo ni Cayetano kaugnay nito. RNT/JGC