Home HOME BANNER STORY Escoda Shoal ‘di isinuko ng Pinas sa pag-atras ng BRP Teresa –...

Escoda Shoal ‘di isinuko ng Pinas sa pag-atras ng BRP Teresa – PCG

MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Lunes na walang isinuko ang Pilipinas matapos ang pag-alis ng BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal sa West Philippine Sea.

“As far as the Philippines Coast Guard is concerned, we have not lost anything,” sabi ni PCG spokesperson for WPS Commodore Jay Tarriela sa press briefing.

Ayon kay Tarriela, sa kabila ng ilang mga insidente na tinangkang pumunta sa Escoda Shoal, nakakapagpatrolya pa rin at nakakapagpadala ng mga sasakyang dagat ng Pilipinas.

Ginawa ni Tarriela ang pahayag nang tanungin kung nawala na ba ng Pilipinas ang Escoda Shoal sa China gaya ng mga katulad na pangyayari sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal.

Sa kabila ng presensya ng China, ipinunto niya na ang mga sasakyang pandagat ng Pilipinas ay maaari pa ring pumunta sa Escoda Shoal dahil marami itong entry point hindi tulad ng Bajo de Masinloc na iisa lamang ang pasukan.

Ang Escoda Shoal ay may kabuuang lawak na 137 kilometro kuwadrado. Para makita kung gaano kalaki ang lugar na ito, ito ay kumbinasyon ng mga lungsod mula sa Manila, Caloocan, Navotas, at Malabon, ayon kay Tarriela.

“….Bajo de Masinloc only has one single entrance and that is the southeast entrance of the lagoon in Bajo de Masinloc. Escoda Shoal is composed of two lagoons on the west side and eastern side. And each lagoon has different areas where you can pass through,” dagdag pa ng opisyal.

Ayon kay Tarriela, matagumpay na naharang ng mga sasakyang pandagat ng China ang mga naunang resupply mission ng mga barko ng Pilipinas sa Escoda Shoal dahil alam na ng China na BRP Teresa Magbanua ang destinasyon.

Umalis sa Escoda Shoal ang BRP Teresa Magbanua noong Linggo dahil sa hindi magandang panahon at kakulangan ng suplay sa pagkain at inumin.

Naka-istasyon sa Escoda Shoal ang BRP Teresa Magbanua mula noong Abril sa gitna ng mga ulat ng mga aktibidad sa reclamation ng China sa lugar.

Samantala, sinabi ni Tarriela sa isang pahayag na plano ng gobyerno na nagpadala ng ibang barko sa Escoda Shoal bilang kapalit ng BRP Teresa Magbanua.

Ayon kay Tarriela, hindi tatagal ang deployment ng panibagong barko sa Escoda Shoal. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)