MANILA, Philippines – Mayroon pang natitirang 65 na barko ng Tsina sa Escoda Shoal, ngunit hindi ito nangangahulugang kontrolado ng Beijing ang nasabing feature sa West Philippine Sea (WPS), ayon sa Philippine Navy.
“Sa Escoda o Sabina Shoal, [ang China ay may] siyam na Coast Guard, apat na PLA Navy, at 52 maritime militias,” sinabi ng tagapagsalita ng Philippine Navy para sa WPS Rear Admiral Roy Vincent Trinidad sa isang press briefing.
Pero sabi ni Trinidad, “Hindi pa nila nakontrol. Labag sa batas ang kanilang presensya doon. Ipagpapatuloy natin ang ating tungkulin. Hindi tayo mapipigilan. Ang patnubay sa atin ay hindi ang pagsuko hindi lamang sa Escoda, Ayungin kundi sa buong kalawakan ng WPS.”
Kahit na wala ang BRP Teresa Magbanua, itinuro ni Trinidad na ang Pilipinas ay may iba’t ibang kakayahan upang masubaybayan ang Escoda Shoal tulad ng air-based at space-based.
Nang tanungin kung may sasakyang pandagat ang AFP na naka-deploy sa Escoda Shoal, sinabi ni Trinidad na kailangan niyang suriin sa Western Command ang mga detalye sa usapin.
Ang BRP Teresa Magbanua ng PCG noong Linggo ay na-pull out sa Escoda Shoal dahil sa kakulangan ng suplay para sa mga tripulante, at sa masamang lagay ng panahon sa lugar.
Ayon sa PCG, papalitan ng ibang sasakyang-dagat ang BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal. RNT