Home NATIONWIDE Escudero nagbabala vs ‘selective ban’ sa sugal

Escudero nagbabala vs ‘selective ban’ sa sugal

MANILA, Philippines- Nagbabala si Senate President Francis Escudero laban sa piling pagbabawal sa sugal sa bansa.

Nakabinbin na sa Senado ang mga panukalang absolute ban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), na dawit sa criminal activities. 

“My point is, ang krimen, krimen maski sino pa ang gumawa. Nagsimula mang legal o sa simula pa lang illegal na. Kung illegal na ang ginagawa dapat ipatigil. Pero bilang polisiya naging pasyang pamahalaan na malaki itong pwedeng pagkunan ng revenue nila at hindi naman Pilipino ang pinapayagang magsugal dito,” giit ni Escudero. 

“Ibalik ko ang tanong sa inyo, tutok sa POGO at pagbawal ang POGO na iba ang nagsusugal, tapos pikit-mata tayo sa mga casino at lahat ng sugal na nangyayari sa Pilipinas, na ‘yung mga nangyayari naman sa mga pasugalan at sugalang ito eh hindi ba halos pareho? Ang naaapektuhan pa Pilipino mismo at mga pamilyang Pilipino mismo,” dagdag niya.

Sinabi ni Escudero na sang-ayon siya sa pagsusulong ng ilang senador ng pagbabawal ng gambling operations kabilang si Sen. Joel Villanueva, pinuno ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development.

“Ako ang posisyon ko kung tatangalin ninyo, tangalin na ninyo lahat. Maglinis na talaga tayo. Mahirap ‘yung may tinitignan at may tinititigan,” wika ni Escudero. 

“Mahirap yun may tila may pinag-iinitan lang, at may pinapabayaan naman. Kung magkakaroon tayo ng polisya laban sa iba’t ibang masasamang gawain na konektado sa sugal, eh di i-review na natin lahat,” patuloy niya.

Ayon pa sa Senate president, nakadepende umano ang panukala ni Sen. Sherwin Gatchalian na nagtutulak ng total ban sa POGOs, kay Senate Majority Leader Francis Tolentino, na kasalukuyang binubusisi ang mga panukala sa agenda ng Senado.

Inihayag ni Escudero na may halos 300-400 nakabinbing panukala. RNT/SA