MANILA, Philippines – Tiniyak ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na walang kikilingan bagkus magiging parehas ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa war on drugs na inilunsad sa pamahalaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa panayam, sinabi ni Escudero na magiging parehas ang imbestigasyon dahil bukod sa imbitado ang lahat ng resource person na may kinalaman sa drug war kabilang ang biktima, papayagan din na magsalita ang dalawang senador na idinadawit sa “reward system.”
“Magiging parehas ang imbestigasyon sa war on drugs ng Duterte administration kahit papayagan pang dumalo sina Senador Ronald Dela Rosa at Christopher Go are upang idepensa ang sarili laban sa akusasyon na sangkot sila sa reward system.
Ayon kay Escudero na tanging ang publiko lamang ang maaaring humusga kung naging parehas ang pagdinig na nakatakdang magsimula sa Oktubre 28 na pangungunahan ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III.
“Siguro ang makakapaghusga na niyan ‘yung manonood ng pagdinig. Para sa akin, ito na ang pinaka-fair kaya nga si Senator Pimentel ang magche-chair ng komite, kaya nga Blue Ribbon Committee ang magche-chair, bagama’t recess kami, at kumuha ng motu proprio jurisdiction sa isyung ito,” aniya.
Ayon kay Escudero dapat alam nina Dela Rosa at Go ang kanilang papel sa pagdinig.
“Ika nga, kung dumating yung punto na sila ay magsasalita kaugnay sa anumang personal knowledge na alam nila kaugnay sa pinag-uusapan sa pagdinig, I will presume that they will be stating these facts on their oath as a member of the Senate without need of actually taking their oaths,” ayon kay Escudero
Kinumpirma din ng lider ng Senado na papayagan sina Dela Rosa at Go na kuwestiyunin ang resource person.
“Marahil magandang pagkakataon din ‘yan para mabigyan sila ng pagkakataong mabigay ‘yung kanilang panig sa isyung ito dahil nga bugso ng inter-chamber courtesy, ay hindi nila kinakailangang dumalo sa Kamara,” ani Escudero.
Sa hiwalay na interview, sinabi ni Pimentel na papairalin sa imbestigasyon ang pagiging obhektibo base sa ebidensiya na ilalatag ng mga resource person.
Hindi tulad ng pagdinig ng QuadCom ng Mababang Kapulungan, iimbestigahan ng Senado ang drug war ng bansa hindi lamang sa drug war na inilunsad ni Duterte sa pangunguna ni Dela Rosa bilang hepe ng Philippine National Police (PNP).
Aniya, inaasahang dadalo sa pagdinig ang biktima ng extrajudicial killings kabilang sina retired police colonels Royina Garma at Edilberto Leonardo, dating president Rodrigo Duterte, self-confessed drug lord Kerwin Espinosa, dating Senador Leila de Lima, at Col. Jovie Espenido sa unang pagdinig. Ernie Reyes