Home NATIONWIDE Escudero sumagot na sa Comelec sa isyu ng campaign donation

Escudero sumagot na sa Comelec sa isyu ng campaign donation

325
0

MANILA, Philippines — Nagsumite na ng kanyang paliwanag si Senator Francis “Chiz” Escudero sa Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng ₱30-milyong donasyon sa kanyang kampanya mula sa construction executive na si Lawrence Lubiano noong 2022 national elections.

Inatasan ng Comelec si Escudero na ipaliwanag kung ang donasyong mula kay Lubiano, pangulo ng Centerways Construction and Development Inc., ay alinsunod sa batas na nagbabawal sa mga may kontrata sa gobyerno na magbigay ng kontribusyon sa kampanya.

Ayon sa abogado ni Escudero na si Ramon Esguerra, maaga nilang isinumite ang position paper “upang ipakita ang respeto sa proseso ng Comelec.” Aniya, “Our position is clear: the donation was legal, fully declared, and follows long-standing practice. The law is on our side.”

Dagdag ni Esguerra, idineklara nang maayos ang donasyon sa Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ni Escudero at ito’y alinsunod sa mga umiiral na patakaran.

Sinabi naman ni Comelec Chairperson George Garcia na sisiyasatin ng Political Finance and Affairs Department (PFAD) ang sagot ng senador upang tukuyin kung may paglabag sa batas.

Ayon kay Garcia, iimbitahan din si Lubiano upang magpaliwanag hinggil sa donasyon. Titingnan ng Comelec kung sapat ang depensa ni Escudero sa ilalim ng Section 95 ng Omnibus Election Code na nagbabawal ng kontribusyon mula sa mga indibidwal o kumpanyang may kontrata sa gobyerno. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here