Home NATIONWIDE Escudero umayaw sa diborsiyo, abot-kayang annulment inihirit

Escudero umayaw sa diborsiyo, abot-kayang annulment inihirit

MANILA, Philippines- Kung siya ang tatangungin, mas gugustuhin ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang annulment ng kasal kaysa isabatas ang Divorce Law upang mas maging magaan at madali para sa mag-asawang gustong maghiwalay.

Sinabi ni Escudero na magiging sanhi ng pagtatalo ng Estado at Simbahan ang diskusyon sa diborsiyo.

“Ako personally, nasabi ko na, mas nais kong gawin affordable at accessible ang kasalukuyang mga batas natin sa annulment,” ayon kay Escudero.

Sa ngayon, umaabot sa mahigit P180,000 hanggang P600,000 ang halaga ng annulment sa Pilipinas depende pa sa lokasyon at kaso ng indibidwal.

“Kesa naman sumabay tayo sa agos ika nga ng mundo, na sinasabi nila na tayo na lang ang isa sa dalawang bansang walang divorce,” dagdag niya.

Natatangi ang Pilipinas at Vatican City sa lahat ng bansa na walang legal na probisyon sa diborsiyo.

Nitong Miyerkules, pinagtibay ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala hinggil sa absolute divorce na may kabuuang 131 mambabatas ang bumoto ng pabor, 109 ang kumontra at 20 ang hindi bumoto.

Pangunahing awtor at isponsor ng panukala si Albay 1st district Rep. Edcel Lagman na nagsasabing sisimulan niya at iba pang grupo ang kampanya sa Senado para sa counterpart measure na matagal nang hinog para sa plenary debate upang maipasa kaagad.

Ayon kay Escudero, kanyang babalansehin ang diskusyon sa bagay na ito sa Senado.

“Magandang timbangin dahil halos kalahati ang boto hindi ba, sa kamara. So malay mo, may kalahati ring mambabatas na sasabihin sa amin ‘wag nyong dinggin ‘yan, so babalansehin namin ‘yun,” aniya.

Kasal ngayon si Escudero kay actress-model Heart Evangelista matapos mapabawalang-bisa ang kasal noong 2012 kay Christine Elizabeth Flores.

Ayon kay Escudero, kinilala ng Simbahan ang annulment sa pamamagitan ng Family Code of the Philippines o ang Executive Order No. 209, s. 1987.

“Si dating Pangulo Corazon Aquino pa na malapit sa simbahan ang nagpasa ng Executive Order…sa pamamagitan ng Family Code, ng annulment na meron tayo ngayon,” wika niya.

“Marahil dapat tignan at pag-aralan, palawakin ‘yun at gawing mas abot kaya ng sinumang Pilipinong nais ang magkaroon ng annulment o mapawalang bisa ang kanilang kasal,” patuloy niya. Ernie Reyes