MANILA, Philippines- Sa gitna ng pagbatikos, nilinaw ni Senador Grace Poe na nananatiling prayoridad ng Kongreso ang edukasyon sa pinagtibay na 2025 national budget sa kabila ng ilang tinapyas na pondo sa Department of Education (DepEd) and Commission on Higher Education (CHED).
Sinabi ni Poe, chairman ng Senate committee on finance, na nananatiling prayoridad ng Senado ang sektor ng edukasyon alinsunod sa itinakda ng 1987 Constitution.
“Working with finite resources to fund infinite needs is not an easy choice,” ayon kay Poe. “But what we have reflects the careful decisions made within the constraints we face. We reiterate that the education sector remains a priority, as we have increased the budget for students and teachers.”
Aniya, inirespeto ng mambabatas ang karapatan ng Palasyo hinggil sa paglalaan ng pondo.
Naunang pinalagan ni DepEd Secretary at dating Senate Finance Committee Chairman Sonny Angara ang tinapyas na P12 bilyon sa badyet ng DepEd sa 2025 na naapektuhan ang computerization program ng ahensiya.
Aniya, kahit may ibinawas na pondo, nananatiling pinakamataas ang badyet ng DepEd kumpara sa 2024.
Kabilang sa prayoridad ang paglalaan ng pondo sa human capital na mayroong P9.948 bilyon sa teaching supplies allowance increasing mula sa dating P4.825 bilyon nitong 2024.
“We prioritized human resources. Ang kaguruan at mga estudyante ang puso at diwa ng sektor ng edukasyon, hindi ang mga kompyuter,” ayon kay Poe.
Binanggit din ni Poe ang ulat ng Commission on Audit (COA) na umaabot lamang sa 50% ng pondo para sa 2023 Computerization Program budget ang nagamit dahil sa systemic issues tulad ng pagkakaantala sa pagbili.
Aniya, dapat tugunan o lutasin muna ang kakulangan na ito bago humingi ng karagdagang badyet. Ernie Reyes