Home NATIONWIDE Bagong ‘Walang Gutom Kitchen’ makatutulong makabawas sa food wastage – DSWD

Bagong ‘Walang Gutom Kitchen’ makatutulong makabawas sa food wastage – DSWD

MANILA, Philippines- Sinabi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na ang “Walang Gutom” (Zero Hunger) Kitchen, pinakabagong “convergence initiative” ng departamento ay makatutulong na mabawasan ang pag-aaksaya ng pakain sa bansa.

“This Walang Gutom Kitchen is a food bank kung saan ang private sector at ang public sector ay magsasanib pwersa para mabawasan ang wastage ng pagkain at matugunan ang problema ng kagutuman sa Metro Manila and later on, when we expand this type of food banks, nationwide,” ang sinabi ng Kalihim sa sidelines ng inilunsad na proyekto sa Pasay City.

Binigyang-diin ni Gatchalian na ang Walang Gutom Kitchen ay susunod sa probisyon ng Republic Act 9803 o Food Donation Act of 2009 sa paglikha ng batas na makapanghihikayat sa donasyon ng wholesome food para sa mga charitable purposes.

“Ang plano natin is to expand it later on and open more of its branches so that ‘yung mga kababayan natin na nasa pribadong sektor na may excess na pagkain, pwede nilang maibaba rito sa Walang Gutom Kitchen para ‘yung mga nagugutom nating mga kababayan, pwedeng-pwedeng pumunta rito anytime para makakuha ng libreng pagkain,” ani Gatchalian.

Ang Walang Gutom Kitchen, matataguan sa dating Philippine offshore gaming operator (POGO) hub, ay muling ginamit ng DSWD, nagtatampok sa convergence ng tatlong innovative programs ng departamento– Pag-Abot Program, Walang Gutom Program at Tara, Basa! Tutoring Program.

“Clients reached out by or walk-ins in the Pag-Abot Program will be provided with food and other basic necessities upon the assessment of social workers,” ayon sa DSWD.

Sinasabing mapadadali ng Walang Gutom Kitchen ang tinatawag na ‘individualized case management’ ng mga kliyente kabilang na ang assessment, intervention, planning at progress tracking ng mga homeless individuals para sa kanilang development.

Sa pamamagitan ng pagtatatag ng Tara, Basa! reading corners, magagawa ng mga kliyente na maka-access ng ‘learning at developmental interventions’ gaya ng parenting education at character-building activities na isasagawa sa multipurpose facility.

“Sa lahat ng mga kababayan natin na gustong tumulong sa ating mga kababayan na nagugutom …we will take on any type of food donation and drinks donation, whether gusto mo na own personal capacity or nagkataon na may negosyo ka at may sumobrang pagkain, basta galing sa pribadong sektor, alinsunod na rin sa batas, tatanggapin namin iyan para ipakain at ipamahagi araw-araw sa mga nagugutom nating mga kababayan,” ang tinuran ni Gatchalian.

Samantala, nakiisa naman si Unang Ginang Liza Araneta-Marcos sa paglulunsad ng Walang Gutom Kitchen kasama si Gatchalian at private sector partners sa pamamahagi ng pagkain sa mga benepisyaryo ng Walang Gutom Kitchen.

Ang iba pang opisyal na dumalo sa paglulunsad ng Walang Gutom Kitchen ay sina Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano at DSWD officials Undersecretary for Operations Group Pinky Romualdez, Undersecretary for Innovations Group Eduardo Punay, Assistant Secretary for Innovations Group Baldr Bringas, at Assistant Secretary for Regional Operations Paul Ledesma. Kris Jose