MANILA, Philippines – Aksidenteng nabaril ang 18-anyos na estudyante sa labas ng unibersidad sa Lagangilang, Abra matapos na magpaputok ng baril ang dalawa iba pang estudyante bilang ganti sa kanilang nakaalitan.
Ang pamamaril ay naganap nitong hapon ng Biyernes, Agosto 22.
Kinilala ng pulisya ang mga suspek na mga estudyante edad 24 at 17 na dati nang may nakagiriang grupo.
“Nagkasalubong ulit ang suspek na allegedly lasing at ang nakaalitan niya sa labas ng compound ng school. Doon na pinaputukan ng suspek ng tatlong beses sakay ng motorsiklo yung kaalitan niya before pero … ang natamaan doon sa pangatlong putok ay itong biktima natin,” ani PCpt. Reylan Balingway, officer-in-charge ng Lagangilang Police Station.
Ayon sa imbestigador, ang biktima ay hindi sangkot sa away ng grupo, ay dumaraan lamang nang tamaan ito sa kanang binti.
Agad na dinala ang biktima sa ospital na isasailalim sa operasyon.
Matapos ang insidente, agad na tumakas ang dalawang suspek sakay ng motorsiklo. Isinuko naman sa awtoridad ng mga kaanak ang drayber ng naturang motorsiklo.
Naghahanap pa ng mga saksi sa insidente upang matukoy ang mga reklamong isasampa laban sa dalawang suspek. RNT/JGC