ILOCOS SUR- Hindi nakaligtas sa kalawit ni kamatayan ang isang 18-anyos na lalaking estudyante samantalang dalawang iba pa ang sugatan sa banggaan ng dalawang motorsiklo sa Brgy. Sto. Tomas, Candon City ng lalawigang ito kahapon ng umaga, Agosto 31.
Ayon sa Candon City Police Station, ang namatay ay ang driver ng Honda Click motorcycle, walang asawa, residente ng Brgy. Bidbiday, Galimuyod, Ilocos Sur.
Ang dalawang sugatan naman ay 39-anyos na lalaki na driver ng Yamaha NMAX motorcycle, may asawa, residente ng Brgy. Calangcuasan, Salcedo, Ilocos Sur at ang angkas nitong 19-anyos na lalaki na isa ring estudyante, residente ng Brgy. Mabayag, Galimuyod, Ilocos Sur.
Base sa CCTV footage, ang dalawang motorsiklo ay parehong bumibiyahe papuntang kanluran sa Provincial Road sa naturang lugar.
Pagdating sa pinangyarihan ng insidente, ang Honda Click na nasa unahan ay biglang lumiko pakaliwa na nagresulta sa banggaan ng dalawang sasakyan.
Agad na isinugod sa Ilocos Sur Medical Center sa naturang lungsod ang tatlo.
Gayunman, ang driver ng Honda Click ay idineklarang dead on arrival ng umatending doktor. Rolando S. Gamoso