Home METRO Estudyante patay sa sampal ng titser?

Estudyante patay sa sampal ng titser?

ANTIPOLO CITY- Nahaharap ngayon sa patong-patong na kaso ang isang guro matapos bawian ng buhay sa ospital ang 14-anyos na grade 5 pupil matapos umanong sampalin ng una sa lungsod na ito.

Kinilala ni P/Executive Msgt. Divina Rafael, hepe ng Women and Children’s Section Desk- Antipolo City Police Station, ang suspek na si Marisol Sison, Filipino teacher sa Peñafrancia Elementary School, Antipolo City.

Binawian ng buhay sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center ang biktimang si Francis Jay Gumikib, 14-anyos, sanhi ng namuong dugo sa kanyang ulo.

Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya, naganap ang insidente noong September 20, 2023 sa loob ng silid-aralan ng biktima sa nabanggit na paaralan.

Kwento ng mga kaklase, bigla na lamang nilapitan ng kanilang guro (Sison) ang biktima sabay sinabunutan saka hinila ang damit at sinampal sa bahagi ng tenga.

Pag-uwi sa kanilang bahay, nagsumbong sa kanyang ina ang biktima at dumaing ng pananakit ng tenga, ulo at mata.

Agad namang isinugod sa nasabing ospital ang biktima pero nitong Oktubre 3, 2023 ay nalagutan rin ng hininga.

Hustisya naman ang sigaw ng ina ng biktima na si Elena Minggoy dahil sa sinapit ng kanilang anak. Mary Anne Sapico