Home NATIONWIDE Inflation nananatiling ‘top concern’ ng mga Pinoy – sarbey

Inflation nananatiling ‘top concern’ ng mga Pinoy – sarbey

MANILA, Philippines- Dumarami ang bilang ng adult Filipinos na nababahala sa tumataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo, sa pananatili ng pagkontrol sa inflation bilang “top concern” ng mga Pinoy.

Ito ang resulta ng pinakabagong national survey ng Pulse Asia sa “Urgent National Concerns” na inilabas nitong Martes, na nagsasabing 74 porsyento ang nababahala sa inflation na mas mataas ng 11 percentage points kumpara sa 63 porsyento na naitala sa parehong polling na isinagawa noong Hunyo.

Batay pa sa September 10-14, 2023 survey,  48 porsyento ng Filipino adults ang nagsabing ang inflation control ang pangunahin nilang alalahanin habang 17 porsyento at 9 porsyento ang nagsabing ito ang ikalawa at ikatlo nilang ikinababahala.

Kasunod ng inflation control, sinabi ng adult Filipinos na top concern nila na maitaas ang sahod ng mga manggagawa (49 porsyento) at paglikha ng karagdagang trabaho (27 porsyento).

Gayundin, inaalala nila ang sumusunod:

  • Pag-ibsan sa kahirapan ng mga Pilipino (25 porsyento)

  • Paglaban sa korapsyon sa pamahalaan (22 porsyento)

  • Pagtugon sa mga krimen (18 porsyento)

  • Pagtugon sa  problema ng involuntary hunger (14 porsyento)

  • Pagbibigay-tulong sa mga magsasaka (13 porsyento)

  • Pagpapatupad ng batas sa lahat, ordinaryo man o makapangyarihang indibdiwal (11 porsyento)

  • Pagsuporta sa small entrepreneurs (9 porsyento)

Kalahok sa Pulse Asia survey ang 1,200 respondents sa buong bansa at mayroong  ± 2.8 porsyentong margin of error sa 95% confidence level at  ± 5.7% margin of error para sa lahat ng lokal. RNT/SA