Home NATIONWIDE Paggamit ng mga pulis ng baton, pito binuhay

Paggamit ng mga pulis ng baton, pito binuhay

MANILA, Philippines- Magiging huling opsyon na ang paggamit ng baril para sa mga pulis sa pagresponde sa law offenders matapos maglabas ng direktiba ng Philippine National Police (PNP) na nagbibigay-daan sa pagbabalik ng pito at baton bilang bahagi ng kanilang uniporme.

Sinabi ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda, Jr. na tinalakay ang paggamit ng pito at baton sa command conference kamakailan kasama nag regional directors at mga pinuno ng support units.

Ipinaliwanag ni Acorda na base ang paglalabas ng direktiba sa pagbusisi at obserbasyon sa mga nakalipas na taon kung saan hindi napipilitang gumamit ng mga baril ang mga pulis kahit na sa pagbibigay ng babala sa law offenders.

“It appears that the course of action for our policemen is always to use their gun, firing warning shots. But that is not allowed in our rules of procedures,” giit ni Acorda.

“So in line with that, we have issued a directive for the return of the use of whistles and it will become part of their uniform,” patuloy ng opisyal.

Bahagi dati ng polisiya ng kapulisan ang paggamit ng pito at baton, katulad ng napapanood sa mga lumang pelikulang Filipino. 

Matatandaang iminungkahi ni dating PNP chief at ngayo’y Sen. Ronald dela Rosa eang paggamit ng pito at baton ng mga pulis kasunod ng pagkamatay ng 17-anyos na si Jhemboy Baltazar sa kamay ng mga pulis-Navotas.

Sa kasagsagan ng drug war, kinondena rin ang mga pulis sa laging paggamit ng kanilang armas at umano’y pagtatanim ng ebidensya katulad sa kaso ng 17-anyos na si Kian delos Santos na namatay ng ilang miyembro ng Caloocan City police.

Ani Acorda, ipinatutupad na ang paggamit ng pito at baton sa ilang police units: “It’s being implemented on the ground. The memorandum was already relayed and it’s already being implemented.” RNT/SA