MANILA, Philippines – Pinagtulungang bugbugin at saksakin ng limang menor de edad na kalalakihan ang isang 13-taong-gulang na estudyante sa Las Piñas City Huwebes ng gabi, Hulyo 2.
Agad na isinugod sa pinakamalapit na ospital ang estudyanteng Grade 8 na biktima na nag-aaral sa Las Piñas National High School (LPNHS) upang mabigyan ng lunas ang kanyang tinamong tatlong saksak sa likod, leeg at balikat.
Ayon sa report na natanggap ni Las Piñas City police chief P/Col. Fermin Armendarez, naganap ang insidente ng pambubugbog at pananaksak sa biktima dakong alas 7:00 ng gabi sa Barangay Daniel Fajardo, Las Piñas City.
Sa isinagawang imbestigasyon, napag-alaman na bago siya umuwi matapos umatend ng kanyang klase sa LPNHS ang biktima ay dumaan muna ito kasama ang kanyang 15-taong-gulang na kaibigan sa isang convenience store upang bumili ng maiinom na pamatid uhaw.
Hindi pa man din sila nakakarating ang biktima at ang kanyang kasama sa convenience store ay sinalubong na sila ng mga suspek na dalawa sa mga ito ay nasa edad 15, dalawa na nasa edad 16, at isang 17-taong-gulang, na may mga bitbit na hollow blocks na ipinambato sa kanila.
Sinabi naman ng mga nakasaksi sa insidente na hinabol ng armado ng kutsilyo na mga suspek ang biktima kung saan indundayan na ito ng saksak habang nakatakbo naman ang kasama ng biktima na nakaligtas sa kapahamakan.
Sa ikinasang follow-up operation na isinagawa ng Las Piñas City police ay agad na nadakip ang limang menor de edad na napag-alamang tatlo sa mga ito ay out-of-school youth habang ang dalawa naman ay mga estudyante din na nag-aaral sa ibang lugar.
Nahaharap sa kasong frustrated murder at attempted murder ang mga suspek na pansamantalang nasa kustodiya pa ng Las Piñas City police.
Samantala, naglabas naman ng statement ang LPNHS na nagsabing nakikipagtulungan sila sa mga magulang ng biktima kasabay ng pagsasagawa ng kanilang sariling imbestigasyon hinggil sa insidente.
Nananawagan din ang nabanggit na eskwelahan sa publiko na huwag magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon at espekulasyon na maaaring magdulot ng panic at misimpormasyon. James I. Catapusan