MANILA, Philippines – NANINIWALA ang Malakanyang na makabubuti kay Vice President Sara Duterte magpakita sa Senate impeachment court para sa 92-day trial at harapin ang kanyang mga akusasyon.
Nabanggit kasi ni VP Sara na nais niya ng isang “bloodbath” sa mga paglilitis ng impeachment sa Senado.
“Noon naman po niya sinabi na she wants bloodbath. At dito mapapakita, ano ang kakayanan ng bise presidente upang sumagot sa mga katanungan, para harapin ang kanyang mga witnesses, yung mga witnesses against her, mga testigo na maaaring magsabi ng mga statements na hindi papabor sa kanya. Yan naman po ay karapatan ng isang respondent, ng isang defendant, maski na rin ng isang akusado, na harapin,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro
Matatandaang, inisnab ni VP Sara ang lahat ng mga patawag sa kanya ng House Justice committee at nanindigan na tanging ang Senate impeachment court lamang ang may mandato na litisin siya.
Sa ngayon, hindi pa kinukumpirma ng defense team ni VP Sara na magsisimula na araw ng Lunes, Hulyo 6, 2026.
Ang hamon naman ni Castro sa mga abogado ni VP Sara ay ipresenta ang kanilang kliyente kung sa tingin ng mga ito ay inosente ang Bise-Presidente.
“Mas magandang maipakita to sa buong mga kababayan natin at sa buong mundo na ang bise presidente ay malinis. Kung yan ang gusto nila ipakita,” ang sinabi ni Castro.
Samantala, nakatakdang pormal na magsimula ang impeachment trial ni Duterte sa Lunes, 2:00 ng hapon.
Matatandaang inanunsyo rin ni Senate Secretary Renato Bantug, Jr., noong Huwebes, Hulyo 2, na may nakalaang 61 upuan na nakareserba para sa publiko na magnanais na manood sa impeachment trial. KRIS JOSE