Home NATIONWIDE Ethics complaint vs Rep. Castro pinabibilisan ng tribal groups

Ethics complaint vs Rep. Castro pinabibilisan ng tribal groups

DAVAO CITY – Umapela ang mga lider ng katutubong grupo sa Davao del Norte sa House of Representatives na tugunan ang kanilang ethics complaint laban kay ACT Teachers party-list Rep. France Castro.

Ayon sa Ata-Manobo Tribal Council of Elders at Talaingod Indigenous Political Structure, dapat tanggalin si Castro sa kanyang puwesto matapos siyang mapatunayang guilty sa kasong child abuse ng isang korte sa Tagum City noong Hulyo, kasama si dating Bayan Muna Rep. Satur Ocampo.

Bagamat inakyat na nina Castro at kanyang mga kapwa-akusado ang kaso sa Court of Appeals at pansamantalang nakalaya sa piyansa, ipinahayag ng mga katutubong lider ang kanilang pagkadismaya sa patuloy na pananahimik ng House Committee on Ethics and Privileges isang buwan matapos nilang ihain ang reklamo.

“Sa kabila ng desisyon ng korte, wala pa ring aksyon ang komite. Hindi dapat maantala ang hustisya, at ang mga napatunayang lumabag sa batas, kahit miyembro ng Kongreso, ay dapat panagutin,” ayon kay Datu Malibato Allan Causing.

Nag-ugat ang kaso sa isang insidente noong 2018 kung saan inakusahan si Castro at 17 iba pa ng trafficking ng mga menor de edad sa kanilang solidarity mission sa Talaingod, Davao del Norte. Layunin ng misyon na suportahan ang mga paaralan ng Lumad at imbestigahan ang umano’y paglabag sa karapatang pantao matapos ipasara ng paramilitary group na Alamara ang Salugpongan Community Center.

Iginiit ng mga progresibong grupo na isang rescue operation ito upang iligtas ang mga Lumad sa panggigipit ng militar. Gayunman, hinatulan ng korte sina Castro, Ocampo, at 11 iba pa ng apat hanggang anim na taong pagkakakulong at pinagbabayad ng P20,000 na moral at civil damages sa bawat isa sa 14 na menor de edad na sangkot sa kaso.

“Hinihimok namin ang Kongreso na bigyang-pansin ang aming reklamo para sa hustisya ng lahat ng Lumad. Ang aming kultura at kinabukasan ay hindi dapat isakripisyo ng mga ideolohiyang nang-aapi sa amin at sa buong sambayanang Pilipino,” ayon sa mga lider ng katutubo. RNT