Ibinunyag ng asawa ni Eumir Marcial na si Princess nitong Miyerkules na nagkaroon ng rib injury ang Pinoy boxer bago ang 2024 Paris Olympics.
Natalo si Eumir kay Turabek Khabibullaev ng Uzbekistan sa Round of 16 ng men’s 80kg division, na nagbigay sa Tokyo Olympics bronze medalist ng maagang paglabas mula sa Summer Games.
Sinabi ni Princess na dalawang linggong hindi nakakilos si Marcial dahil sa nasabing injury.
“Nagka-injury po siya sa rib tapos wala siyang aksyon ng two weeks, no sparring for two weeks, talagang walang training dahil hindi makatayo sa injury niya,” ani Princess.
“Noong nakita ko first round pa lang, sa body language niya, alam kong masakit na ‘yung ribs niya, so parang ako, sinisigaw ko na ‘Stay calm’ kasi nakikita kong nararamdaman niya na ‘yung sakit sa ribs.”
Alam din daw ni Princess na noong nakatingin si Marcial sa kanyang coach ay nakakaramdam na ng sakit ang boksingero dahil sa injury.
“Sayang kasi alam ko kaya ni Eumir mag-gold kaso nagka-injury,” wika nito.
“Hindi rin po siya makagalaw, hindi siya maka-bend. Kung mapapansin n’yo, tina-try niyang i-bend ‘yung tuhod niya pero nakikita ko sobrang sakit ng ribs niya.”
Gayunpaman, sinabi ni Princess na nagpapasalamat siya sa suporta na natanggap ng kanyang asawa sa paglalakbay na ito.
“Thank you very much, salamat sa lahat ng Pilipinong sumuporta. God bless you all and okay lang ‘yun, may plano ang Diyos. [Sa] professionals, doon tayo magkita-kita.”
Samantala, hiniling ni Eumir sa kanyang mga tagasuporta na tulungan siyang magsimulang muli.JC