NAGTIPUNAN, Quirino – Apat ang kumpirmadong patay matapos mahulog ang sinasakyang mitsubishi boom truck sa bulubundukin bahagi ng bangin sa Purok 6, Barangay Sangbay, Nagtipunan Quirino.
Ang nasabing trak ay minamaneho ni Florante Barayuga, 42-anyos, may asawa, at residente ng San Andres, Santiago City.
Bukod sa mga construction materials na karga ng nasabing trak ay lulan ang anim na pasahero na sina Marco Valdez, 29-anyos; Marbil Medes, 34-anyos; Sonny Regatan, 58-anyos; Daisy Regaton, 48-anyos; Rogelio Neverio, 69-anyos; at si Henry Baldoza, 25-anyos.
Napag-alaman na galing sa Dinapigue, Isabela ang nasabing trak.
Nawalan umano ng control sa manibela ang driver nang liliko na umano ito sa pakurbadang bahagi ng kalsada na naging dahilan upang tumama sa guardrails ang sasakyang minamaneho nito hanggang dumiritso sa bangin.
Dinala ng Nagtipunan Rescue 105 at Maddela Rescue 104 sa Maddela District Hospital ang drayber at mga pasahero matapos magtamo ng malalang sugat.
Subalit idineklarang dead on arrival ang drayber at pasahero nitong si Daisy, habang sina Neverio at Baldoza ay inilipat sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) ngunit binawian din ng buhay ang mga ito.