MANILA, Philippines – Ipinapawalang-bisa ni dating Albay Gov. Noel Rosal sa Supreme Court (SC) ang resolusyon ng Commission on Elections (Comelec) na nagdiskwalipika sa kanya para muling tumakbo ngayong eleksyon.
Sa 25 pahinang petition ni Rosal sa pamamagitan ng kanyang abugado na si Atty. Romulo Macalintal, inakusahan nito ang poll body na nakagawa ng “grave abuse of discretion” sa inilabas na resolutions na nag-disqualify sa kanya sa ilalim ng Section 40 ng Local Government Code (LGC).
Inakusahan ni Rosal ang Comelec na pinaboran nito ang kanyang kalaban sa politika dahil umano sa mabilis pa sa kidlat ang pagpapalabas ng resolusyon.
Hiniling ni Rosal sa SC na mag-isyu ng temporary restraining order laban sa naging ruling ng Comelec at kalaunan ay ideklarang walang bisa ang kautusan ng komisyon.
Sa Comelec Resolution No. 11044-A, ang mga sinibak na public officials ay hindi maaring maghain ng certificate of candidacy habang nakabinbin ang kanilang apela sa kaso.
Noong Setyembre, tinanggal sa pwesto si Rosal ng Office of the Ombudsman matapos mapatunayan na dapat itong managot sa mga kasong grave misconduct, oppression at conduct prejudicial to the best interest of the service. TERESA TAVARES