
HINDI lang si dating Quezon City Police District director Melecio Buslig Jr. ang bulag sa mga iligal na gawain ni dating Criminal Investigation and Detection Unit chief PMaj Dondon Llapitan subalit higit si National Capital Region Police Office director PMGen. Anthony A. Aberin.
Akala ng mga mamamahayag na nasa QC police beat, ang isa sa dahilan ng administrative relief ni Buslig ay ang ginawang pagpapalabas ng babaeng akusado na may kasong 4 counts ng qualified theft ni Llapitan at pinasamahan pa ito sa isa niyang tauhan.
Nang tanungin si Aberin ni DZRH reporter Val Gonzales kaugnay sa ginawang pagpapalabas at pagpapa-escort ni Llapitan sa babaeng akusado, nagulat ang top cop ng NCRPO dahil hindi nakaabot sa kanyang kaalaman ang pangyayari. Itinanong pa niya sa officer-in-charge na si PCol. Randy Glenn Silvio, deputy director for administration ng QCPD, ang detalye.
Ang dahilan ng administrative relief ni Buslig ay dahil sa lasing na pulis na si PSSG Colonel Marzan ng Masambong Police Station na nagviral sa social media dahil sa panghaharass sa isang pamilya sa nasasakupan ng police station. Naunang tumawag at magsumbong ang station commander ng Masambong kay RD.
Hindi na nabanggit ang katarantaduhan ni Llapitan na sinibak ni Buslig noong Sabado matapos matuklasan ang pagpapalabas nito ng preso. Magkano ang kinita kaya ni Llapitan at ipinagpalit niya ang kanyang pwesto.
Akala kasi ng dating hepe ng CIDU na hindi mabubunyag ang kanyang mga kalokohan dahil hawak niya ang kanyang mga tao na madalas niyang takutin. Pero sa kabilang banda, nakikinabang din naman kasi ang mga tauhan nito sa kanyang tinatamasang yaman sa kanyang iligal.
Pati nga mga punerarya ay ginawa niya butas at itinulad sa iligal na kinukuhanan niya ng lingguhan. Ang masaklap pa, pinaboran niya ang punerarya na malaki ang pakinabang niya. Ang punerarya na nahihingian niya ng kung anong kailangan niya lalo na kapag birthday niya, birthday ng nanay niya at birthday ng kung sino-sino sa pamilya niya.
Hindi lang mga sugal lupa ang binibigyang proteksyon ni Llapitan subalit may ilang mga iligal pa sa Quezon City. Ang gamit na katwiran ng dating hepe na ito ng CIDU sa kanyang pagpapakolekta ay pangkain ng kanyang mga tauhan.
Kung ganoon, busog na busog dapat ang mga taga- CIDU. Eh ang dami ng kinokolektahan ng bagman niya.
Tama ang sabi ng isang opisyal ng QCPD, magaling magtrabaho si Llapitan, lamang nagmadali na yumaman. Ang masaklap, binubukulan pa o pinagtataguan ng koleksyon ang nakatataas kaya hindi na siya kayang pagtakpan pa.
Ngayong sibak siya sa CIDU. Si Llapitan ay pinalitan ni PMaj Allan Rainier Cabral, isang batiking imbestigador mula sa Southern Police District.
Dahil bago sa QCPD si Cabral, huwag sana siyang padala sa pambubuyo ng mga imbestigador at tauhang iniwan ni Llapitan na ang lakad ay pera-pera.