
NITONG Biyernes, nakapanayam ng media sa harapan ng Korte Suprema si Monalie ‘Alie’ Dizon, secretary general, ‘Coalition Against Corruption’ at ‘Kilusang Pagbabago National Movement for Change’ na kilalang ‘allergic’ sa korapsyon at katiwalian sa gobyerno.
Personal pala kasing dinala ni Alie ang kanyang ‘letter of support’ kay CJ Alexander Gesmundo hinggil sa inilabas na ‘public notice’ ng SC na mag-ingat sa mga pekeng ‘court orders’ at iba pang utos na hindi naman galing sa kanila o sa mga ahensya sa ilalim nito para makaiwas sa extortion.
Sa napanood natin, personal din palang pinuri ni Alie si Olongapo City Chief Prosecutor Charlie Yap, dahil aniya sa integridad at propesyonalismo ng nasabing opisyal.
Bakit naman hindi? Agaran kasing “binitiwan” ni Yap ang kontrobersyal na kasong ‘rape of a minor’ na isinampa laban sa isang Taiwanese locator sa Subic Free Port kung saan dalawa sa kanyang tauhan ang inireklamo sa DOJ nang pagiging ‘bias’ laban sa akusado at paggawa ng mga hakbang na sumira sa kredibilidad ng kanilang opisina.
Kumbaga, ipinakita ni Yap na hindi siya kunsintidor at pangalan at kredibilidad ng Olongapo Prosecutor’s Office ang higit na mahalaga sa kanya.
Sa nangyaring kontrobersya, naniniwala tayong sadyang walang alam si Yap sa mga nangyari at dahil pumapanig sa katotohanan, wala rin siyang balak na “pagtakpan” ang kanyang mga tauhan, sakaling may batayan ang mga bintang sa kanila.
Bagaman saglit lang tayong nakapaglingkod sa gobyerno, nakadagdag ang ating karanasan upang “makilatis” ang kakayahan ng ating mga piskal na mahalagang “kabalikat” natin noon sa pagresolba sa mga kasong may kinalaman sa paglabag sa buhay at karapatan ng mga nasa media.
At bagaman nga hindi pa natin personal na nakakasalamuha si Chief Prosecutor Yap, walang dahilan upang pagdudahan ang mga magagandang komento na narinig natin patungkol sa kanya.
Mabuhay ka, Prosec Yap at marami pang katulad mo!
Ayos ba, Prosecutor General Richard Fadullon at Secretary of Justice Boying ‘Bossman’ Remulla?