Home OPINION KILLER NA POLITIKO, HUWAG IBOTO!

KILLER NA POLITIKO, HUWAG IBOTO!

SUNOD-SUNOD ang mga pagpatay at bigong pagpatay sa mga politiko kaugnay ng halalang Mayo 12, 2025.

Isa sa pinakahuli ang pagbaril kay Rizal, Cagayan Mayor Atty. Joel Ruma habang nangangampanya para siya manatili sa pwesto sa isang barangay sa kanyang bayan.

Isang bala lang ang pinakawalan ng killer na kanyang ikinamatay at wala pang pagkakakilanlan sa killer.

Nauna rito, pinaputukan din ng baril ang convoy ng kandidatong mayor para sa Tayum, Abra na si Kathlia Alcantara at namatay ang isang kasama nitong kinilala lang na isang Joe.

Walang pang tiyak na salarin dito ngunit may naharang ang pulisya na lalaking may hawak ng mga baril at may nakaalitan sila na kalaban nila sa pulitika bago ang pangyayari.

Kamakailan naman, binaril ang kandidatong mayor sa Albuera Leyte, ang isinasangkot sa droga na si Kerwin Espinosa, ngunit nakaligtas ito.

Mga pulis naman ang inakusahang sangkot dito at ligtas si Espinosa.

Binaril naman sa mukha ang isang lider ng isang political party sa Pandi, Bulacan na ikinamatay nito.

Namatay si Lorenzo Ofalsa sa ospital habang nakatakas sakay ng motorsiklo ang salarin.

Ang campaign coordinator naman na si Modesto Tamayo ay dinukot sa kanyang bahay sa Sultan Kudarat at itinapon ang kanyang bangkay sa Pandag, Maguindanao del Sur.

Ang kandidatong vice mayor na si Marlon Villa sa President Quirino, Sultan Kudarat, ay kinumpirmang municipal coordinator nila si Tamayo.

Sa totoo lang, nauna rito, may apat nang kapitan ng barangay at isang konsehal ang pinatay sa Pampanga.

At sa Mindanao, may ilan na ring pinatay.

Walang sinoman ang may gusto sa ganitong mga pangyayari, lalo na ang mga botante.

Hindi dapat daanin sa pagpatay ang panalo sa halalan kundi sa pagsuyo sa mga botante dala ang mga programa para sa mamamayan at pamahalaan.

Sinomang may dala ng kamatayan para balewalain ang tunay na damdaming bayan ay dapat managot sa batas at hindi dapat bigyan ng pagkakataon na mamuno sa bayan.