Home TOP STORIES Ex-Finance Usec: Quimbo dapat magsalita sa mga isyu ng national budget

Ex-Finance Usec: Quimbo dapat magsalita sa mga isyu ng national budget

208
0

MANILA, Philippines – Iginiit ni dating Finance Undersecretary Cielo Magno na mahalagang magsalita si dating Marikina 2nd District Representative at dating chairperson ng House Committee on Appropriations na si Stella Quimbo kaugnay ng mga isyu at kontrobersiya na ibinabato sa pambansang budget.

Sa isang forum ng UP School of Economics tungkol sa national budget, sinabi ni Magno: “Ang sabi ko nga sa ending ng forum na ito, dapat pala naimbitahan din si Stella Quimbo.”

Ayon kay Magno, bilang dating vice chairperson at kalauna’y chairperson ng House Committee on Appropriations, si Quimbo umano ang isa sa mga maaaring magpaliwanag hinggil sa mga unprogrammed funds at sa mga isyung may kaugnayan sa flood control allocations sa budget.

Ginawa ni Magno ang pahayag matapos ibahagi ang isang video clip mula sa nasabing forum kung saan makikitang tinatanong ni dating NEDA chief Winnie Monsod si Acting Budget Secretary Rolando Toledo tungkol sa isyu ng flood control projects.

Sa naturang clip, nagpahayag ng pagkadismaya si Monsod sa naging sagot ni Toledo na nalaman lamang umano niya ang tungkol sa mga problemang may kaugnayan sa ilang flood control projects matapos itong banggitin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang 2025 State of the Nation Address.

Si Quimbo ay naging miyembro ng bicameral conference committee at nagsilbing vice chairperson ng House Committee on Appropriations sa deliberasyon ng 2025 national budget. Kalaunan, siya ang naging chairperson ng komite matapos magbitiw si Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.

Nabanggit din sa ilang ulat ang tinatawag na “small committee” sa proseso ng budget deliberations, kung saan umano tinalakay ang ilang pagbabago o realignment sa panukalang pondo. Gayunman, wala pang inilalabas na opisyal na finding ang anumang kinauukulang ahensiya hinggil sa mga alegasyon ng iregularidad.

Batay sa mga public records, may ilang infrastructure projects na inilaan para sa distrito ni Quimbo. Kabilang dito ang pondong humigit-kumulang P950 milyon para sa proyektong “Smart Campus” ng Marikina Polytechnic College (MPC). Ayon sa mga dokumento ng gobyerno, ang proyekto ay iginawad sa Sunwest Construction and Development Corporation. Wala pang inilalabas na pahayag ang mga nabanggit na partido kaugnay ng mga isyung ibinabato sa budget deliberations.

Sa ngayon, wala pang opisyal na tugon si Quimbo sa panawagan ni Magno.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here