Home TOP STORIES Ex-mayor Fernando buo suporta kay Quimbo

Ex-mayor Fernando buo suporta kay Quimbo

228
0

Marikina City — Apat na araw bago ang halalan, isang matibay at makasaysayang pahayag ang nagpatingkad sa direksyon ng lokal na pulitika sa Marikina: buong suporta at kumpiyansa ang ipinahayag ni dating Mayor Marides “MCF” Fernando kay Rep. Stella Luz Quimbo, na tumatakbo bilang alkalde ng lungsod.

Sa harap ng mahigit 1,000 kababaihan mula sa iba’t ibang barangay, tahasang sinabi ni Fernando na si Quimbo—mas kilala bilang Teacher Stella—ang tanging karapat-dapat na humawak ng pamumuno sa Marikina. Sa kanyang talumpati, binigyang-diin niya ang pangangailangan ng lungsod ng lider na may katalinuhan, malasakit, at lakas ng loob.

“Dati, may engineer para sa imprastruktura. Ngayon, kailangan natin ng ekonomista para ayusin ang bilyong utang ng siyudad,” ani Fernando. “Nasa kamay ni Teacher Stella ang kakayahan at tapang para gawin ito.”

Hindi lamang ito simpleng suporta, ani Fernando, kundi isang pagpapatibay ng paniniwala sa kakayahan ni Quimbo. Katulad niya, si Quimbo ay hindi tradisyonal na politiko. Pareho silang edukado sa Poveda, dayuhan sa Marikina na kalauna’y piniling mahalin at pagsilbihan ang lungsod. Si Fernando ay dating businesswoman; si Quimbo ay propesor sa UP at eksperto sa ekonomiyang pangkalusugan. Pareho silang naninindigan: ang serbisyo publiko ay responsibilidad, hindi kapangyarihan.

Kasabay ng deklarasyon ni Fernando ang pag-anunsyo ng muling pagbabalik sa eksena ni dating Mayor Del De Guzman, na ngayo’y kumakandidato bilang Bise Alkalde. Ang tambalan nina Quimbo at De Guzman sa ilalim ng Team Bagong Marikina ay inilalarawan ng kanilang mga tagasuporta bilang “kombinasyong panalo sa prinsipyo, galing, at puso”—isang simbolo ng bagong liderato at pagbabalik ng matinong pamamahala.

Nagpahayag din si Fernando ng intensyon na ibalik ang matagal nang nawalang Women’s Council, kasabay ng panawagan sa mga kababaihan na palawakin pa ang suporta kay Quimbo.

“Simula ngayon, maghikayat ng 100 pa para kay Teacher Stella at sa Bagong Marikina,” sigaw ni Fernando sa entablado.

Sa kanyang panig, tiniyak naman ni Quimbo ang kanyang panata sa inklusibong pamamahala:

“Sa Bagong Marikina, walang maiiwan, lalo na ang kababaihan. Ibabalik natin ang tiwala, ang dignidad, at ang tunay na malasakit sa pamahalaang lungsod. Sisiguraduhin nating bawat ina, manggagawa, estudyante, at kababaihan ay may tinig, may suporta, at may kinabukasan,” ani Quimbo.

Sa pagsasanib ng suporta nina Fernando at De Guzman, malinaw ang mensahe ng Team Bagong Marikina: ang halalan ay hindi lamang kampanya—isa itong kilusan. Isa itong pagpapatuloy ng pamana ng matinong pamumuno. At para sa maraming taga-Marikina, ang deklarasyon ay naglagay na ng tuldok: Panalo na si Teacher Stella Quimbo. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here