Apat na araw bago ang eleksyon, sinampahan ng disqualification case sa Commission on Elections (Comelec) ang mag-amang kandidato sa Surigao del Norte dahil umano sa paglabag sa Omnibus Election Code.
Ang reklamo ay inihain ni Atty. Lucille Sering laban kina Francisco “Lalo” Matugas, kandidato sa pagka-kongresista, at anak nitong si Francisco Jose “Bingo” Matugas II, na tumatakbo bilang gobernador.
Inakusahan ni Sering ang mag-ama ng paggamit ng ari-arian ng gobyerno para sa kanilang political activity, isang malinaw na paglabag sa batas. Tinukoy sa reklamo ang isang video na nakapost sa kanilang Facebook page na nagpapakita ng mga estudyante, guro, at pasilidad ng Surigao del Norte State University (SNSU).
“The use of these government property and facilities for electoral campaign purposes constitutes Abuse of State Resources (ASR) and it violates Article 261 of the Omnibus Election Code,” ani Sering.
Binanggit din sa reklamo na lumabag ang mga Matugas sa Comelec Resolution 11104, na mahigpit na nagbabawal sa paggamit ng pampublikong yaman para sa kampanya ng mga opisyal ng gobyerno.
“The use of government property and facilities for partisan political activity is not only an abject violation of the law but it also raises serious concerns about ethical and legal implications of utilizing public resources for political gains,” dagdag pa sa reklamo.
Ayon pa sa reklamo, ginamit din sa political advertisement ang mga kabataang estudyante at guro bilang mga tagasuporta ng kampanya, na lalong nagpapalabo sa linya sa pagitan ng mga institusyong pang-edukasyon at propaganda sa halalan.
“Such practices not only violate established guidelines on the use of government (state educational institution) facilities but also exploit the academic environment for electoral advantage,” dagdag ng salaysay.
Ipinunto rin sa reklamo na pinalalabas umano ni Francisco Matugas na siya ang may gawa ng pagpapatayo ng SNSU—bagay na itinuturing na mapanlinlang, dahil ang nasabing pamantasan ay naitatag sa bisa ng Republic Act 10600 na naipasa pa noong 15th Congress.
Bukod sa disqualification case laban sa mag-ama, sasampahan din ng hiwalay na kasong administratibo at kriminal ang mga opisyal ng SNSU–Del Carmen campus, kabilang ang Presidente nito, dahil sa umano’y pagpapahintulot sa paggamit ng pasilidad ng paaralan para sa partisan political campaign.
Ang reklamo ay inihain sa Comelec office ng Surigao del Norte. RNT