MANILA, Philippines- Isang dating alkalde sa isang bayan sa Bulacan kasama ng dati ring konsehal at kawani nito ang inaresto dahil sa kasong rape na isinampa laban sa kanila may limang taon na ang nakalilipas sa Caloocan City, base sa ulat.
Batay sa report na nakalap sa tanggapan ni NPD Acting Director P/Col. Josefino Ligan kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/BGen. Anthony Aberin, ala-1 ng Martes nang arestuhin ang mga akusado na sina alyas Mayor “Rico”, 51, alyas Councilor “Jonjon”, 48, at kawani na si alyas “Roel” 52, na pawang dinakip sa Amana Waterpark sa Pandi, Bulacan.
Ayon kay Col. Ligan, isinilbi ng kanyang mga tauhan, sa tulong ng Criminal Investigation and Detection Group-Northern District Forensic Unit (CIDG-NDFU), ang warrant of arrest na inilabas ni Caloocan Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Ma. Rowena Violaga Alajandria ng Branch 121 para sa dalawang bilang ng kasong rape sa ilalim ng Article 266 ng Revised Penal Code na walang inirekomendang piyansa.
Binasahan din ng kanilang karapatan ang tatlo, kaharap ang kanilang abogadong si Atty. Doctor, bago sila dinala sa headquarters ng NPD sa Caloocan upang pansamantalang iditine sa kanilang custodial facility habang hinihintay ang paglalabas ng commitment order ng korte.
Batay sa rekord, ang tatlo ay pawang inakusahan ng panghahalay sa biktima na naganap noong Abril 6 taong 2019 sa Caloocan City.
Mariin namang itinanggi ng mga akusado ang akusasyon at naghain kaagad ang kanilang abogado ng mosyon na nagpawalang-bisa sa warrant of arrest at iginiit na gawa-gawa lamang umano ang akusasyon na may bahid politika.
“This operation demonstrates the commitment of the Northern Police District to uphold justice, regardless of who is involved. We will continue to pursue our mandate to ensure the safety of our communities and hold accountable those who violate the law. Let this serve as a strong message that justice will be served and the rule of law will always prevail,” pahayag ni Col. Ligan. Merly Duero