Home NATIONWIDE Ex-parak, bodyguard na suspek sa Camilon case arestado sa Batangas

Ex-parak, bodyguard na suspek sa Camilon case arestado sa Batangas

BATANGAS — Arestado sa Balayan, Batangas ang dinismiss na pulis na si Allan de Castro at ang bodyguard nitong si Jeffrey Magpantay, suspek sa pagkidnap sa beauty contestant na si Catherine Camilon.

Kinumpirma ni Police Col. Jack Malinao, provincial police director, ang mga naaresto sa magkakahiwalay na manhunt operations sa Barangay Caloocan, Balayan.

Nahaharap ang dalawa sa kasong kidnapping at serious illegal detention sa Batangas City Regional Trial Court Branch 3.

Inaresto sila ng operatiba ng Batangas PNP Special Intelligence and Tracker Team noong Setyembre 14.

Una nang na-dismiss ang kasong kidnapping noong Abril 16 ngunit naghain ng motion for reconsideration ang pamilya ni Camilon, na pinagbigyan noong Agosto 15.

Naglabas ang korte ng warrant of arrest noong Setyembre 4.

“[K]aya agad-agad pong gumawa ng ating regional director sa supervision ng ating provincial director ng Special Intelligence and Tracker Team para mai-serve ang warrant of arrest at ma-apprehend ang mga suspek,” ani Police Maj. Dave Mercado, hepe ng Batangas PNP Public Information Office.

Kasalukuyang nakakulong ang dalawa sa Balayan Custodial Facility. RNT