MANILA, Philippines – INAMIN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagbitiw sa puwesto si dating Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) president at chief executive officer Emmanuel R. Ledesma, Jr.
Ang katuwiran aniya sa kanya ni Ledesma ay nahihirapan na ito sa politika dahil sanay at bihasa ito sa pribadong sektor.
“Well, yes, he left his position already. Sabi niya that nahihirapan na rin yata siya sa ano, with all of the… Hindi siya sanay sa pulitika. Manny Ledesma is very much comes from the private sector. So, I think he found the transition to be jarring, shall we say,” ayon kay Pangulong Marcos sa press conference sa Kalayaan Hall, Palasyo ng Malakanyang, araw ng Huwebes, Pebrero 6.
Sa kabilang dako, tiningnan ng Pangulo ang kuwalipikasyon ni Dr. Edwin Mercado kaya’t siya ang napisil nito na ipalit kay Ledesma.
“Dr. Mercado, he is very, very well-versed in both hospital administration, insurance, and all the… He’s been… His whole life has been devoted to healthcare,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
“And so, it was I, after noong nag-oathtaking kami, matagal kaming nag-usap. Sabi ko, baliktad, hindi ko nga siya ina-advise-san, he’s the expert. So, tinanong ko siya: “Ano sa palagay mo ang kailangan nating gawin?”
And balik… We went… Pareho kami immediately napunta ‘yung usapan sa digitalization. Kasi maganda naman ang serbisyo ng PhilHealth ngunit ‘yung pag-process ng mga file, ng claim, ng pag-apply, et cetera, ay hindi – kinakamay pa rin. Kaya’t napakabagal, and that’s why that became a priority,” ang pahayag ng Pangulo.
“But of course, beyond that, he has many other ideas on how to – on how to make the services of PhilHealth more inclusive, expanded, and again, to giver better coverage sa – for different conditions as for those who have, those who will avail of the PhilHealth services and of their financial support,” ang dagdag na wika ng Chief Executive.
Samantala, napaulat na nangako si Mercado, na tutugunan ng ahensiya ang systemic challenges na kahaharapin ng korporasyon sa ilalim ng kanyang liderato.
Inilarawan ito ni Mercado bilang “illnesses” na nangangailangan ng “urgent treatment.”
Sinabi ni Mercado, nanumpa sa harap ni Pangulong Ferdnand Marcos Jr. para sa kanyang bagong tungkulin na isa sa kanyang mga pangunahing layunin ay gawing maayos ang proseso sa ahensiya.
Sa press briefing sa Malakanyang, inilatag ni Mercado ang kanyang pananaw para sa reporma, tinukoy ang mga mahahalagang lugar na nangangailangan ng atensyon kabilang na ang ‘benefits management, claims processing, at financial reporting.’
Binigyang diin nito ang pangangailangan para sa isang masusing pagsusuri sa internal workings ng PhilHealth para i-improve ang service delivery at palawigin ang benepisyo para sa mga Filipino.
“Ako bilang manggagamot, parang tinitingnan ko rin po ang PhilHealth na may sakit at inaalam ko rin po, ano iyong lunas,” ang sinabi ni Mercado.
“So, iyon po iyong aking unang kailangang gawin – aralin pong mabuti kung ano po iyong mga prosesong kailangang baguhin para po iyong directive po ng ating Presidente, mahal na Presidente na tuluy-tuloy ang serbisyo at palalawigin pa natin iyong benepisyo,” dagdag na wika nito.
Si Mercado, isang US-trained orthopedic surgeon na may 35 taong karanasan sa hospital management ang pumalit sa tungkulin ni Emmanuel Ledesma Jr. dating namumuno sa PhilHealth.
Ang liderato ni Mercado ay dumating sa mahalagang panahon at oras dahil sa patuloy na pakikipagpambuno ng PhilHealth sa mga usapin na nakapalibot sa financial mismanagement.
Nakapukos ang reform agenda ni Mercado sa digitalisasyon ng operasyon ng PhilHealth.
Tinuran ni Mercado na ang pagpapatupad ng digital system ay makatutulong sa “streamline claims processing, reduce opportunities for fraudulent activities, and ensure greater transparency.”
“Kasi kapag naipasatupad namin iyong digitization ay magagawa rin natin na iyong mga claims ay mapa-flag din iyong mga claims na maaaring sumusobra o iyong maaaring kung tawagin ay may halong kataka-taka kung bakit ganoon kalaki iyong mga claims nila,” ang pahayag ni Mercado.
Ang inisyatiba, ayon kay Mercado ay mahalaga para mapigilan ang pang-aabuso sa sistema at tiyakin na ang public funds ay maayos na magagamit para suportahan ang mga pangangailangan sa pangangalagang pangkalusugan ng mga filipino.
Bilang bahagi ng kanyang komprehensibong pagrerepaso, binanggit ni Mercado na titingnan niya ang ‘performance at structure’ ng mga tauhan ng PhilHealth upang ihanay sa bagong direksyon ng ahensiya.