MANILA, Philippines – INIUTOS ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Francisco Marbil nitong Miyerkules, Setyembre 18, ang masusing imbestigasyon sa alegasyon na ang isang dating hepe ng pulis organisasyon ay nasa buwanang payroll at tumulong sa pagtakas ng na-dismiss na si Bamban, Tarlac mayor Alice Guo.
Sinabi ni Marbil na inatasan na niya ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na makipag-ugnayan sa Philippine Amusement Gaming Corporation (Pagcor) para makakuha ng karagdagang detalye tungkol sa umano’y papel ng isang dating PNP chief.
Sa press briefing, sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na interesado si Marbil na malaman pa ang tungkol sa alegasyon dahil naaapektuhan umano nito ang buong organisasyon ng pulisya.
“Sa command conference, sinabi niya na kahit sino man ito, kung mapapatunayang may papel siya sa pagtakas at mas malala pa na nakatanggap siya ng buwanang payola, siya ay mananagot. Walang sagradong baka dito,” ani Fajardo.
Nauna rito sa imbestigasyon ng Senado nitong Martes, sinabi ni retired general at Pagcor senior vice president Raul Villanueva na mayroong mga pag-uusap sa intelligence community na isang dating PNP chief ang sangkot sa pagtakas kay Guo. Ngunit hindi niya pinangalanan ito.
Ang problema nito, ayon kay Fajardo, ay mismong si Villanueva ang nagsabi na ang mga ito ay tsismis lamang.
Si Marbil ang ika-30 Chief PNP at sinabi ni Fajardo na mayroong 24 na nabubuhay na dating PNP chief.
Kaugnay nito tatlong dating PNP chief ang itinanggi na kilala nila si Guo at dalawa sa kanila ang tumawag kay Villanueva para pangalanan.
Gayunpaman, sinabi ni Fajardo na si Marbil ay nakatuon upang tingnan ang umano’y alegasyon.
“Hindi tayo mawawala sa focus. Mahigpit kaming makikipag-ugnayan sa Pagcor at iba pang ahensya para sa layuning matukoy ang indibidwal na ito at kung may mga ebidensya para sa pagsasampa ng mga kaso,’ ani Fajardo. (Santi Celario)