MANILA, Philippines- Hinimok ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si Vice President Sara Duterte, na “nagkaroon ng lamat” ang relasyon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na umalis na sa politika sa lalong madaling panahon.
“Si Inday, pasalamat ka na lang sa Diyos na ang tatay mo naging Presidente, ikaw naging Vice President. Bihirang-bihira yan, bihira sa isang pamilya. Hindi lahat ng pamilya sa Pilipinas… pasalamat na lang tayo. Now, as fast as you can, get out of politics,” pahayag ni Duterte sa isang press conference sa Davao City-based media, tinutukoy ang Bise Presidente sa kanyang palayaw, Inday Sara.
Naka-post ang video clips ng press conference ng dating Pangulo sa Facebook page ng Sonshine Media Network International (SMNI).
Nahaharap si Sara sa congressional inquiry sa budget use ng opisina ng Vice President at ng Department of Education nang magsilbi siyang Education chief. Batay ang pagkuwestiyon ng mga mambabatas sa findings ng state auditors, sa paggamit ng Office of the Vice President (OVP) ng confidential funds nang hindi tugma ang acknowledgement receipts.
“Maghanapbuhay ka, negosyo, basta mabuhay ka lang [ng] mapayapa. Umalis ka na dyan sa pulitika. Huwag ka na mag-ambisyon, tutal vice president ka na,” dagdag ni Duterte.
Subalit, aminado si Duterte na hindi sinusunod ng kanyang anak ang kanyang payo.
“Si Inday, pumasok ng politika. You have to navigate yourself in the sea of power. Hindi ko maturuan si Inday, hindi ko magpagsabihan. Hindi nakikinig sa akin ‘yan. ‘Yan ang anak ko na hindi nakikinig sa akin,” pahayag ni Duterte.
“Ayaw na akong kausapin. Kampi sa nanay niya. Mas makinig ‘yun sa nanay, hindi sa akin,” patuloy ng dating Pangulo.
Nanindigan ang Bise Presidente na hindi mali ang naging paggamit niya sa OVP funds at ang congressional inquiry ay “test case” lamang umano para sa impeachment.
Sa parehong panayam, sinabi ni Duterte na suportado niya ang pagtakbo sa Senado ni Apollo Quiboloy, ang nakaditeneng Davao-based evangelist na nahaharap sa qualified human trafficking, child abuse at sexual abuse charges sa Pilipinas. Kinasuhan din Quiboloy sa umano’y conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion and sex trafficking of children; sex trafficking by force, fraud and coercion; conspiracy; at bulk cash smuggling sa United States.
“Pastor [Quiboloy] is … maraming alam sa buhay. Pastor is a very keen observer, very bright. He would be an asset to the country,” giit ni Duterte.
“I will campaign for him all throughout the country,” wika pa niya. RNT/SA