Home METRO 13,000 pamilya sa Cagayan tinanggalan ng bubong ni Bagyong Marce

13,000 pamilya sa Cagayan tinanggalan ng bubong ni Bagyong Marce

CAGAYAN- Umabot sa 13,000 pamilya ang nawalan ng bubong sa lalawigan ng Cagayan dahil sa hagupit ng bagyong Marce na dalawang beses bumagsak, iniulat kahapon.

Ayon kay Marion Miranda, opisyal ng Sta. Ana Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), maging ang kanilang bagong tayong tanggapan ay gumuho ang kisame.

Sinabi pa nito, maraming bahay ang nawalan ng bubong, bumagsak ang kisame ng isang commercial center, nagkalat sa mga kalsada ang mga tumbang puno at poste ng kuryente, at isang steel sheet na nakasabit sa poste.

Sa bayan ng Sanchez Mira, kung saan nag-landfall ang bagyo, bumagsak ang bahagi ng concrete welcome arc dahil sa hangin. Habang isang simbahan naman ang tinangay ang bubong at nawala halos kalahati ng bubong nito at lubog sa baha.

Nagmistulang ilog naman sa Sta. Teresita ang isang palayan dahil sa taas ng tubig baha, gayundin sa Barangay Antiporda sa bayan ng Buguey ay lubog sa baha ang mga residente.

Tila naging kalansay naman ang ilang gusali sa Buey, kabilang ang Buey North Central School sa bayan ng Allacapan at nagliparan ang mga bubong at dingding.

Nawasak din ang isang gymnasium sa bayan ng Pamplona at hindi bababa sa 13 bayan sa lalawigan ang walang kuryente noong Biyernes.

Patuloy namang inaayos ang apektadong linya ng kuryente at komunikasyon maging ang pamamahagi ng tulong ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa mga apektadong bayan na kanilang nasasakupan. Mary Anne Sapico