Home SPORTS Ex-PSC chairman Butch Ramirez abswelto sa kasong graft

Ex-PSC chairman Butch Ramirez abswelto sa kasong graft

MANILA, Philippines – ISANG desisyon ng Korte Suprema ang pumabor kay dating Philippine Sports Commission chairman William ‘Butch’ Ramirez, na nagpawalang-sala sa kanya sa kasong graft kaugnay ng pagsasanay ng Philippine national swimming team ilang taon na ang nakararaan.

Binaligtad ng SC second division ang desisyon ng Sandiganbayan na nagpapatibay sa conviction kina Ramirez, dating Philippine Amusement and Gaming Corporation chairman Efraim Genuino at president Rafael Francisco sa iligal na paglipat ng P37 milyon sa Philippine Amateur Swimming Association (PASA).

Inapela ni Ramirez ang desisyon, at sinabing bukod sa ang kasong graft ay hindi napatunayan ang kanilang pagkakasala nang beyond reasonable doubt.

Ang kasong graft ay nag-ugat sa paglabas ng Pagcor ng P37,063,488.21 ng pampublikong pondo nang direkta sa PASA sa loob ng 18 buwan sa unang termino ni Ramirez bilang PSC chairman noong 2008 at 2009, isang paglabag, ayon sa prosekusyon, ng Section 26 ng Republic Act 6847 na nagsasaad na “awtomatikong ibinahagi ng five percent ng kabuuang kita ng Pagcor sa PSC.”

Sinabi ni Ramirez na wala siyang alam sa paglalabas ng Pagcor ng pondo nang direkta sa PASA, at hindi siya pumayag dito. Ikinatwiran niya na ang direktang pagpopondo sa national sports association ay mababawas mula sa government gaming corporation’s operational expense at hindi mula sa five-percent gross share ng PSC mula sa gross monthly income ng Pagcor.

Sa ilalim ng resolusyon ng SC, ang direktang pagpapalabas ng Pagcor ng pondo sa PASA ay isang unilateral na desisyon ng Pagcor na pinahintulutan ng lupon nito. Sinabi rin nito na hindi nagbigay ng anumang benepisyo si Ramirez sa PASA sa kapinsalaan ng ibang mga atleta o NSA.

Sinabi rin ng SC na ibinalik ang pondong ibinawas sa limang porsyento ng PSC mula sa Pagcor sa pamamagitan ng offsetting.

Si Ramirez ay nagsilbi sa PSC mula 2005 hanggang 2009 sa ilalim ni Gloria Macapagal-Arroyo, at muli mula 2016 hanggang 2022 sa ilalim ni Rodrigo Duterte. Sa kanyang termino, nasungkit ng Pilipinas ang kabuuang titulo sa Southeast Asian Games sa unang pagkakataon noong 2005, isang tagumpay na naulit noong 2019.