MANILA, Philippines — Nagkakaiba ang pananaw ng mga inimbitahang dating mahistrado ng Korte Suprema kung dapat payagang bumoto ang mga senador na hindi nakadalo o hindi aktibong nakilahok sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Inimbitahan bilang amici curiae o “friends of the court” sina dating Chief Justices Reynato Puno, Hilario Davide Jr. at Artemio Panganiban, gayundin si dating Associate Justice Adolfo Azcuna, upang magbigay ng opinyon sa bilang ng boto na kailangan para sa conviction.
Ayon kay Panganiban, mahalaga ang aktibong pakikilahok ng senator-judges sa paglilitis upang makapagbigay sila ng patas na hatol. Sinabi niyang hindi dapat bumoto ang mga hindi nakasubaybay sa ebidensya at testimonya kung wala silang sapat na batayan upang humatol.
Sa nakasulat namang posisyon ni Davide, sinabi niyang maaaring hindi isama sa “all the Members of the Senate” ang mga senador na hindi makaganap ng kanilang tungkulin dahil sa pagkakakulong, legal na hadlang, suspensyon o hindi matukoy ang kinaroroonan.
Iba naman ang posisyon ni Azcuna, na nagsabing dapat manatiling kasama sa basehan ng two-thirds vote ang bawat incumbent senator maliban kung namatay, nagbitiw o natanggal sa puwesto.
Sinabi rin ni Azcuna na maaari pa ring bumoto ang isang senator-judge na may mga na-miss na pagdinig kung naniniwala itong kaya niyang magbigay ng patas na desisyon batay sa rekord ng kaso.
Samantala, sinabi ni Puno na hindi naman palaging kinakailangang personal na marinig ng isang hukom ang lahat ng testimonya upang makapagpasya, dahil maaari itong umasa sa opisyal na rekord at transcripts ng paglilitis.
Nakasaad sa 1987 Constitution na walang impeachable official ang maaaring ma-convict nang walang pagsang-ayon ng two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado.
Patuloy na tinatalakay ng Senate impeachment court kung paano dapat kwentahin ang kinakailangang boto sa harap ng hindi paglahok ng ilang senator-judges sa paglilitis. RNT