MANILA, Philippines — Nagpalabas ang Senate impeachment court ng subpoena laban kay Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte at apat pang indibidwal kaugnay ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Kabilang sa mga bagong ipinatawag sina Civil Service Commission Assistant Commissioner Ariel Ronquillo, Philippine Government Electronic Procurement System Division Chief Rendell Sopeña, abogado Gary Samonte at Police Major Jerrickson Sangalang.
Nauna nang naisilbihan ng subpoena si Securities and Exchange Commission official Gerardo del Rosario, kaya anim ang kabuuang saklaw ng pinakahuling witness request ng prosekusyon.
Inatasan si Mayor Duterte na humarap sa impeachment court sa Setyembre 23 at magdala ng mga rekord kaugnay ng mga transaksyon ng Davao City government sa Gencorp Industries, kumpanyang nakalista sa mga idineklarang business interest ng Bise Presidente.
Ayon sa House prosecution, nais nitong malaman ang mga transaksyon at kontratang may kaugnayan sa kumpanya bilang bahagi ng presentasyon nito sa alegasyon ng unexplained wealth laban kay VP Duterte.
Binigyang-diin naman ng prosecution na testigo lamang si Mayor Duterte at hindi inaakusahan ng anumang paglabag.
“Witness si Mayor Baste, hindi respondent,” ayon kay House trial spokesperson Zia Alonto Adiong.
Samantala, maaari pang baguhin ang iskedyul ng pagharap ng ilang testigo dahil nakatakda ring dinggin at pagbotohan ng impeachment court sa Setyembre 23 ang usapin kung ilang boto ang kinakailangan upang mahatulan ang Bise Presidente. RNT