Home NATIONWIDE Ex-sens Trillanes, Lacson binatikos ni Dela Rosa: Irespeto n’yo ako

Ex-sens Trillanes, Lacson binatikos ni Dela Rosa: Irespeto n’yo ako

MANILA, Philippines- Matinding binatikos ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sina dating Senador Antonio Trillanes at Panfilo Lacson sa pagpuna hinggil sa isinasagawang imbestigasyon ng Senate committee on public order and dangerous drugs hinggil sa sinasabing “PDEA leaks.”

Umapela si Dela Rosa, dating hepe ng PNP na naglunsad ng drug war sa nakaraang administrasyon, sa kasamahan na irespeto ang kanyang pagiging chairman ng komite at kalayaan na magdesisyon kung ititigil ang imbestigasyon.

Bilang lider ng naturang komite, pinangunahan ni Dela Rosa ang imbestigasyon sa dokumento ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na isinasangkot si Pangulong Bongbong Marcos at Maricel Soriano sa illegal drugs.

Ngunit, binatikos din ang kanyang imbestgiasyon mula sa Kamara.

Nagpahayag ng kalungkutan si Dela Rosa na sa mahigit limang taon nito sa Senado, wala siyang nadinig na nagkuwestiyon o nagpatigil sa anumang congressional probe.

“Ngayon lang ako nakarinig,” aniya hinggil sa sinasabing komento Trillanes at Lacson.

“Sana respetuhin rin nila ‘yung pagiging chairman ko ng aking committee dahil nirerespeto ko rin naman ‘yung kanilang pagiging chairman sa kanilang committee,” wika ni Dela Rosa.

“Please, ako nakikiusap sa aking mga kasamahan na bigyan niyo rin ako ng kaukulang discretion as to when to stop my investigation and as to who are going to be invited,” giit ng senador.

Ikinumpara ni Dela Rosa ang kanyang imbestigasyon sa PDEA leaks ng Senado sa fund scam na kinasangkutan ng Pharmally Pharmaceutical Inc.

Aniya, walang senador, kakampi o kalaban ni dating Pangulong Duterte ang kumuwestiyon sa Pharmally probe o ipinatigil ito.

“Eh bakit ngayon ito, ang dami nang pumapapel?” tanong niya.

“Kaya nga, lahat ng mga kasamahan ko, I respect kung ano ‘yung gusto niyo, but please ako rin nakiusap sa kanila, bigyan niyo naman ako ng kaunting discretion as chairman of the committee,” giit ni Dela Rosa. Ernie Reyes