Home NATIONWIDE Bagong detention facilities para sa mahuhuling dayuhan itatayo ng BI

Bagong detention facilities para sa mahuhuling dayuhan itatayo ng BI

MANILA, Philippines- Inihayag ng Bureau of Immigration (BI) ang planong pagpapalawak ng kanilang detention facility sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Taguig City para mas kaaya-aya sa dayuhang detainees na naghihintay ng deportasyon.

Sa lingguhang Kapihan sa Manila Bay forum noong Miyerkules, sinabi ni BI spokesperson Dana Sandoval na dalawang bagong gusali na may tatlong palapag ang itatayo na papalit sa kasalukuyang isang palapag na gusali.

Sinabi ni Sandoval na panahon na para magtayo ng bagong pasilidad dahil halos 300 detenido ang nananatili sa loob ng kasalukuyang pasilidad na may kapasidad lamang na mahigit 100 katao.

Sinabi rin ni Sandoval na wala pang plano ang BI na ilipat ang kanilang detention facility.

“But we are looking at new areas na pwede gawin facility natin. Kasi very secured ang Camp Bagong Diwa kasi nasa loob siya ng kampo so malaking bagay sya, in terms of security,” ani Sandoval.

Samantala, sinabi ni Sandoval na wala pang eksaktong numero para sa budget na ilalaan ng bureau para sa pagtatayo ng bagong pasilidad. JAY Reyes