MANILA, Philippines – Unang beses na humarap si dating House Speaker Martin Romualdez sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) nitong Martes upang magbigay-linaw sa imbestigasyon sa umano’y katiwalian sa mga flood control project.
Dumating si Romualdez bago mag-ika-10 ng umaga at sinabing handa siyang ibahagi ang kanyang personal na kaalaman sa proseso ng pambansang badyet bilang dating miyembro ng Bicameral Conference Committee.
“Handa akong magbigay ng impormasyon na makatutulong para malaman ang katotohanan at mapabilis ang imbestigasyon ng ICI,” ani Romualdez sa mga mamamahayag.
Kabilang si Romualdez sa mga inaakusahan ng pagkakasangkot sa kickback scheme sa mga proyekto ng flood control, kasama si dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, na hindi pa rin humaharap sa komisyon.
Ayon sa ICI, si Romualdez ay inaasahang tatanungin tungkol sa mga budget insertions at sa kanyang posibleng papel sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Dumalo rin sa pagdinig si Budget Secretary Amenah Pangandaman, na nagpaliwanag sa proseso ng National Expenditure Program (NEP) hanggang sa maging General Appropriations Act (GAA).
Giit ni Pangandaman, ang livestreaming ng mga budget deliberation, gaya ng ginagawa ng DPWH, ay makatutulong upang maibalik ang tiwala ng publiko at mapalakas ang transparency sa paggamit ng pondo ng gobyerno. RNT