Home NATIONWIDE Ex-VP Robredo sa pagkandidatong Naga mayor sa 2025: Hindi naman ako mawawala 

Ex-VP Robredo sa pagkandidatong Naga mayor sa 2025: Hindi naman ako mawawala 

MANILA, Philippines- Iginiit ni dating Vice President Leni Robredo na ang kanyang desisyong tumakbo bilang Naga City mayor ay hindi nangangahulugang iniiwan na niya ang mga ipinaglalaban niya at ng kanyang mga taga-suporta.

Sa isang panayam nitong Sabado, inamin ng dating opisyal na dismayado ang ilan niyang taga-suporta na hindi siya kakandidato sa Senado sa 2025.

Kasunod ito ng pag-anunsyo niya na ipinagbigay-alam niya sa Liberal Party (LP) ang kanyang desisyong hindi tumakbo bilang senador at sa halip ay kakandidatong alkalde sa Naga City.

“For now, I’ve decided to run for the mayorship of Naga. Tingin ko mas aligned iyong skill sets ko doon. Mahirap na ipilit to run for something na parang hindi aligned sa capacities ko just to hold a national position,” wika ni Robredo.

“So I’ve been explaining this to supporters who are quite disappointed that I’m not running for the Senate. Sinasabi ko hindi naman ako mawawala,” dagdag niya.

Inihayag ng ilang taga-suporta ni Robredo, tinatawag na “kakampinks,” ang kanilang pagkadismaya sa social media.

“Nandito ako supporting the cause pero in a different capacity. I don’t think na iniwan ko iyong laban because I’m not running for the Senate,” giit ni Robredo.

Sakaling manalo siya bilang alkalde ng Naga City, ipinaliwanag ni Robredo na maaari niyang simulan ang mga programa “that are replicable in other areas” at ipakita sa mga tao na “this can be done.”

“So, mas excited ako about this,” dagdag niya.

Nanungkulan si Robredo bilang Camarines Sur 3rd district representative mula 2013 hanggang 2016 bago maging bise presidente mula 2016 hanggang 2022.

Nagsilbi ang pumanaw niyang asawa na si dating interior secretary Jesse Robredo, bilang alkalde ng Naga City sa loob ng halos dalawang dekada. RNT/SA