MANILA, Philippines – Pinag-aaralan ng gobyerno ang posibeng reporma sa excise at health taxes para i-offset ang P66 billion na maaaring mawala na revenue ng gobyerno mula sa panukalang tax relief package ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na patuloy na sinusuring mabuti ng Department of Finance (DOF) ang tax measures na maaaring makatulong na mabawi ang revenue losses habang tinitiyak na ang investment climate ng bansa ay nananatiling nakahihikayat.
“Sa ngayon po ay pinag-aaralan na po ng DOF ‘yung mga tax measure at ang posible na maaaring magkaroon ng pagbabago o reporma ay ‘yung excise and health tax cases… na maaaring mag-offset sa maaaring mawala na revenue ng gobyerno na nagkakahalaga nga ng P66 billion,” ayon kay Castro.
Aniya pa, para sa gobyerno ay mahalaga ang projected revenue loss dahil maaari itong magamit para pondohan ang iba’t ibang proyekto at programa ng pamahalaan.
Tiniyak naman ni Castro sa publiko na ang lahat ng panukalang batas ay sasailalim sa masusing pag-aaral.
“Ina-assure po ng gobyerno at ng pamahalaan na lahat po ng measures ay dadaan sa pag-aaral para hindi po naman masyadong maapektuhan din iyong ibang mga investors natin at mas maganda ang maidulot nito sa ating mga kababayan,” aniya pa rin.
Winika ni Castro na ang mas mataas na buwis sa mga produktong gaya ng vaping products, sugary drinks at single-use plastics ay kasama sa mga batas na kinokonsidera na i-offset ang posibleng revenue losses.
Gayunman, sinabi ni Castro na hanggang ngayon ay hindi pa rin nai-estimate ng gobyerno kung magkano ang malilikhang buwis sa bawat panukalang tax measure, sabay sabing ang panukala ay nananatiling sumasailalim sa masusing ebalwasyon.
Aniya, kinokonsidera ng administrasyon ang lahat ng posibleng opsyon para tustusan ang tax relief package na naglalayong tulungan ang middle-income earners.
“Lahat ng proposal kasi pag-aaralan dahil ito nga ay nabanggit ng Pangulo na nais niya talaga na matulungan especially ‘yung mga middle income,” ang sinabi ni Castro.
“Lahat po ito ay gagawin para po maipasang mabilis itong mga tax laws na nais ng Pangulo,” anito.
Tinuran ni Castro na ang detalye ng panukalang tax measures ay tatalakayin sa oras na ang pag-aaral ay nakompleto na.
Nito lamang Lunes, Hulyo 27, nanawagan si Pangulong Marcos sa Kongreso na magpasa ng batas na magbibigay ng mas mataas na tax exemption sa mga indibidwal at mag-aalis ng corporate income tax para sa maliliit na negosyo.
Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng tax relief measures upang masiguro ang patuloy na progreso ng middle class sa gitna ng epekto ng krisis.
Ayon kay Marcos, sa pamamagitan ng mga repormang ito ay magkakaroon ng mas malaking paglago, kita, at equity advancement para sa pangmatagalang socio-economic sustainability.
Hinikayat din ng Pangulo ang Kongreso na magpasa ng batas na magbibigay ng income tax exemption sa mga manggagawang kumikita ng hindi hihigit sa P350,000 kada taon, kasama ang pag-aayos ng iba pang income brackets.
Dagdag pa rito, iminungkahi ni Marcos na huwag nang ipataw ang minimum corporate income tax sa maliliit na negosyo.
Umapela rin siya na mabigyan ng tax amnesty ang mga hindi nakapagbayad ng income taxes, estate taxes, donor taxes, at value-added tax (VAT). (KRIS JOSE)