Home NATIONWIDE P612.5M kaso ni VP Sara, pagsubok sa pagiging angkop sa posisyon –...

P612.5M kaso ni VP Sara, pagsubok sa pagiging angkop sa posisyon – Rep. Adiong

1
0

MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni House trial spokesperson at Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong na ang kinakaharap na P612.5 milyong kontrobersya sa confidential funds ni Vice President Sara Duterte ay isang pagsubok sa kanyang fitness para sa posisyon, at hindi lamang simpleng usapin ng pagbabalik ng pondo.

Ayon kay Adiong, lumalagpas ang kaso ng impeachment sa mismong tanong kung kailangang isauli o hindi ang mga pinagtatalunang pondo, dahil ang pangunahing isyung konstitusyonal ay kung ang naging asal at aksyon ng Bise Presidente ay nagpapakita na siya ay karapat-dapat pa ring humawak sa ikalawang pinakamataas na posisyon sa bansa.

Paliwanag ni Adiong, ang naturang paglilitis ay hiwalay na proseso mula sa audit kung saan maaaring maglabas ang Commission on Audit (COA) ng mga notice of disallowance para sa mga ginastos na pondo ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd), kasama na ang utos para sa restitusyon o pagbabalik ng pera sa pamahalaan.

Samantala, hiwalay namang inaatasan ng Artikulo 1 ng impeachment complaint ang mga senator judges  na tukuyin kung ang maling paggamit ng mga pondong ito ay maituturing na impeachable offense.

Nilinaw ng mambabatas na habang tinutukoy ng Senate Impeachment Court ang pananagutang pampulitika at konstitusyonal, ang iba pang kasong may kinalaman sa audit, sibil, o kriminal na pananagutan ay dadaan sa hiwalay na mga proseso.

Idinagdag pa ni Adiong na ang mga natuklasan ng COA ay sapat na upang bigyan ang prosekusyon ng matibay na batayan para kuwestiyonin kung sumunod ba sa mga umiiral na alituntunin at joint circular ang paggamit ng nasabing mga pondo.

Sa pamamagitan ng paglilitis, aniya, ang mga impormasyong dati lamang lumalabas sa mga ulat at pagdinig ay pormal nang magiging opisyal na ebidensya sa harap ng mga senator judges upang masuri ang paraan ng paggastos at ang pananagutan ng opisyal. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here